ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dumaraming kaso ng ‘misteryosong’ pagkamatay ng mga OFW sa abroad, iimbestigahan


MANILA – Tiniyak ng Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na magsasagawa imbestigasyon tungkol sa dumaraming kaso ng mga nagpapakamatay" na overseas Filipino workers (OFWs) sa ibang bansa, partikular sa Gitnang Silangan. Una rito ay inihayag ni Sen Manny Villar na maghahain ng resolusyon tungkol sa nasabing matapos siyang maalarma sa pagdami muli ng kaso ng namamatay na OFWs, na kadalasan ay ikinukonsiderang suicide case ng mga awtoridad sa bansang kinaroronan nila. “This situation is not a first time occurrence and the State, consistent with its mandate to protect its people and uphold respect for human life, should intervene in order to stop this disturbing trend of OFW deaths and murders," ayon kay Villar. Bilang chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources development at Joint Congressional Oversight Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni Estrada na kaagad niyang isasalang resolusyon dahil siya man ay nababahala sa mga nangyayari sa mga OFW. Batay umano sa ulat ng grupong Migrante, isang non-government organization sa OFWs, nakapagtala sila ng 15 kaso ng "mysterious death" ng OFWs mula noong Pebrero 2011, na karamihan ay babae. “There should be a thorough investigation on the part of the Philippine Embassies in countries where our OFWs had been victims of brutal and unnerving maltreatment. We owe our modern heroes and fellow Filipinos justice and final resolution of their cases," ani Estrada na nais din umanong malaman kung ilan sa mga kaso ang idineklarang sarado na. “The heinous deaths of our kababayans must prompt embassy and labor officials to step up in its effort to proactively protect our workers from abusive employers and illegal recruiters," dagdag niya. Nitong nakaraang mga araw, magkakasunod na naiuwi sa Pilipinas ang mga labi ng OFWs na sina Joy Pampangan, 25-anyos; Romilyn Ibanez, 22-anyos; at Juvy Montesoso, 32-anyos. Ang tatlo ay sinasabing nagpakamatay sa magkakahiwalay na bansa sa Middle East pero duda naman ang kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas. Inabot ng isang taon bago naiuwi sa Pilipinas ang mga labi ni Pampangan mula sa Jordan. Ngunit ipinagtataka ng kanyang pamilya kung bakit tatlong magkakaibang araw ng kamatayan ang nakalagay sa dead certificate nito. Isang taon din bago naiuwi sa Pilipinas ang mga labi ni Ibanez na sinasabing uminom ng asido at ilang ulit nagsaksak sa sarili sa Saudi Arabia. Nawawala rin ang kanyang dila at isang mata nang dumating sa bansa. Samantala, tumalon naman daw sa gusali si Montesoso sa Kuwait noong Hulyo. Matapos dumulog kay Villar ang kapatid ng OFW, naiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ni Montesoso noong Martes ng hapon at personal itong sinundo ng senador. Nauna rito, sinabi ni Villar na nais niyang malaman kung ano ang mga pinansiyal na tulong na naibibigay ng pamahalaan sa mga nauulilang pamilya ng namatay na OFW. Nais din malaman ng senador ang proseso sa pagpapauwi ng mga labi ng pumanaw na OFW dahil na rin sa kaso ng ilang namatay na migranteng manggagawa na inaabot ng mahigit isang taon bago maiuwi sa Pilipinas. - GMA News