ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pambabae lang ang pangalan ng mga bagyo noon


Marami ang nagulat sa lakas ng bagyong si "Pedring." Pero alam niyo ba na posibleng naging "Puring" ang pangalan ni "Pedring" kung nagpatuloy ang tradisyon noon na puro pangalang pambabae ang gagamitin sa mga bagyo? Sinasabing noong 1960s sinimulang gamitin ng Weather Bureau ng Pilipinas (kilala ngayon sa tawag na Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA) ang mga pangalan ng babae mula letrang “A" hanggang “Y," at magtatapos sa “ng," bilang pangalan ng mga bagyo na dadaan sa Pilipinas. Ilan sa halimbawa ng mga pangalang ito ay Auring, Rosing, Ruping, Sening, Loleng, Sisang, Miding at Didang? (Listahan ng mga pangalan ng bagyo, epektibo mula noong Enero 7, 2008) Ngunit dahil sa paggamit ng pangalan ng babae sa mga bagyo, naging usapin dito ang gender bias. Naging biru-biruan din na kaya ipinapangalan sa babae ang bagyo ay dahil gaya ng lagay ng panahon na paiba-iba, pabago-bago rin ang isip ng mga babae. Bunga nito, nagdesisyon ang PAGASA noong 1990’s na humingi ng tulong sa publiko na magbigay ng suwestiyon tungkol sa pangalan ng mga bagyo na hindi na lamang eksklusibo sa mga babae. Pagkatapos ng panawagan, umabot sa 150 ang nakuhang pangalan para sa mga bagyo. Ang mga pangalan ay hinati sa apat na grupo na sali’t salitang gagamitin sa loob ng apat na taon. Dahil tinatayang umaabot sa 20 hanggang 22 ang bagyong dumadaan sa Pilipinas bawat taon, naglagay ang PAGASA ng 25 pangalan sa loob ng isang taon, ay may reserba pang 10. - FRJ, GMA News
Tags: pinoytrivia