ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Publiko, binalaan sa pagbili ng mga laruang galing sa China


MANILA – Habang papalapit ang panahon ng kapaskuhan, nagbabala si Sen Manny Villar sa pagbili ng mga laruan na kontaminado ng nakalalasong kemikal na galing sa China at nakalat ngayon sa mga pamilihan, partikular sa Divisoria. Sa pagdinig ng Senate committee on trade nitong Miyerkules, inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na mayroong mga laruan at iba pang produkto na kontaminado ng nakalalasong kemikal ang ibinebenta sa mga pamilihan. Gayunman, sinabi ni Victorio Dimagiba, director ng Bureau of Trade Regulation and Consumer Protection ng DTI, na nagpalabas na sila ng babala sa publiko laban sa pagbili ng delikadong produkto. “Most of the goods that are sold in Divisoria, I don’t think it pass thru the certificate of conformity procedures that DOH had prescribed in the committee," pahayag ni Dimagiba sa komite na pinamunuan ni Villar. Ginawa ang pagdinig dahil sa inihaing panukalang batas ni Villar na Senate Bill No. 1309 o Toy Safety Labeling Act, na nag-aatas sa mga manufacturer na maglagay ng babala at instruction sa mga produktong pambata. “I filed this bill to fill the void between the existing law and the need to set standardized labeling requirements for certain toys and games of children. Toys are there to be enjoyed by our children, these should not hurt or harm them," paliwanag ng senador. Bukod sa paglalagay ng babala na, “Warning: Choking Hazard," para sa mga laruan na may maliit na parte, sinabi ni Villar na kailangang ilagay din sa pabalat ng laruan ang mga kemikal na ginamit para magawa ang produkto. Batay umano sa pag-aaral United States Consumer Product Safety Commission, ang mga laruan na gawa sa China ay ginamitan ng kemikal na cadmium. Ang cadmium ay carcinogen na gaya ng kemikal na 'lead' ay nakaapekto sa brain development ng bata. Maaari rin umanong magdulot ang nabanggit na kemikal ng kidney, lung, at intestinal problems, at pahihinain nito ang buto ng bata at magdudulot ng developmental defects. “This is a cause for alarm as most of the toys found in the market are manufactured in China," ayon kay Villar. Sinabi naman ni Engr. Renato Ongkoy ng Bureau of Health, Devices Technology ng Department of Health na mayroon ding mga mamahaling laruan ang ibinebenta sa mga malalaking mall na kontaminado ng nakalalasong kemikal pero naipatanggal na ang mga ito. “We have recalled these toys from their shelves," pahayag ni Ongkoy ngunit hindi binanggit ang brand name ng mga laruan at produkto. Kasabay nito ay tiniyak ng opisyal na karamihan sa mga laruan na ibinebenta ngayon sa malalaking malls sa bansa ay pawang toxic-free na, sinuri at isinailalim sa strict monitoring ng kagawaran. Gayunman, nagpahayag pa rin ng pagdududa si Villar sa sinabi ni Ongkoy matapos mapag-alaman ng senador na lima lamang ang tauhan nito upang magsagawa ng surveillance at monitoring sa mga nasabing produkto. - GMA News