ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PUP vice president, pinaslang sa ambush sa Sta. Mesa, Manila


Binaril sa ulo ng dalawang beses ang vice president for administration ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na agad na pumanaw nitong Miyerkules ng gabi sa Sta. Mesa, Manila, ayon sa Manila Police District (MPD). Ayon sa mga Sta. Mesa Police Station investigator, pinaslang si Attorney Augustus F. Cezar habang nakasakay sa kanyang van, na huminto sa kanto ng Pureza Street at Ramon Magsaysay Boulevard ng mga 10:15 p.m. May dalawang testigo umanong nakakita ng dalawang kalalakihang nakasakay sa motor na agad na umalis mula sa lugar ng krimen. Sugatan din ang nurse na si Niña Norolla na nasa loob ng convenience store nang maganap ang barilan. Bumakat umano ang mga balang nakabaril kay Cezar sa kaliwang bintana ng van, pahayag ng mga imbestigador. Na-recover ang dalawang empty shells sa bahagi ng kung saan tumigil ang sasakanyan. Nakakuha naman ng dalawang slugs mula sa loob ng convenience store. Ayon kay MPD Sta. Mesa station commander Frumencio Bernal III, ginamit ng mga suspek ang isang itim na Enduro motorcycle na may plate number na 4991 bilang kanilang escape vehicle. Mga testigo Samantala, ayon naman kay MPD head Chief Superintendent Roberto Rongavilla, mayroong apat na testigo ang ini-imbestiga upang mabigyang liwanag ang pagpatay kay Cezar. Patuloy namang naghahanap pa rin ng mga forensic evidence ang MPD's Scene of the Crime Operations (SOCO) team sa crime scene, ayon sa ulat ng radio dzBB. Ayon kay Rongavilla, kasalakuyang pinag-aaralan ang personal na buhay ni Cezar, kabilang na ang trabaho niya sa PUP, upang makita kung may mga kalabang nais siyang patayin. Nagmula si Atty. Cezar sa Aklan, at residente ng Makati City. Kasalakuyan siyang nagtutuo ng mga asignaturang accounting at law sa PUP. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News