ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dating tawag sa Libingan ng mga Bayani


Ginawa ang Libingan ng mga Bayani noong 1947 para paglibingan ng mga sundalong nasawi sa World War II. Pero alam niyo ba na tinawag lang itong Libingan ng mga Bayani pagkaraan ng pitong taon o noong 1957. Panahon ni dating Pangulong Manuel Roxas nang maitatag ang Republic Memorial Cemetery – na mas kilala ngayon bilang Libingan ng mga Bayani – para paglibingan ng mga magigiting na sundalo na pumanaw sa digmaan. Si dating Pangulong Ramon Magsaysay naman ang nagpalit ng pangalan ng sementeryo noong 1957 bilang Libingan ng mga Bayani. Ito ay para bigyan-diin ang pagpapahalaga sa ginawang pag-aalay ng buhay ng mga sundalo sa ginawang pagtatanggol sa Pilipinas. Noong 1967, inilaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang 142 ektaryang lote sa Fort Bonifacio Military Reserve (dating Fort McKinley) para mapalawak ang sakop ng libingan. Noong 2009, tinatayang umaabot na sa 44,027 sundalo ang nakalibing dito. Sa naturang bilang, 32,268 sa kanila ay mga namatay sa digmaan noong WWII sa Capas, Tarlac. Ang Libingan Ng Mga Bayani ay pinangangalagaan ng Grave Service Unit (GSU), na bahagi ng Philippine Army Support ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa ilalim ng AFP Regulations G 161-373 o The Allocation of Cemetery Plots at the LNMB, bukod sa mga beterano ng digmaan at mga dakilang sundalo, ilan pa sa mga maaaring ihimlay sa LNMB ay ang mga naging pangulo ng bansa, secretary ng national defense, AFP Chief of Staff, at mga dignitaryo, statesmen, national artists at iba pang pumanaw na personalidad na binigyan ng pahintulot ng pangulo ng bansa, ng Kongreso o ng defense secretary na mailibing dito. -- FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia