ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ramgen case: Magkakapatid na Bautista, idiniin ng bagong testigo


MANILA – Idiniin ng bagong testigo ang tatlong magkakapatid na Bautista na umano’y pagplano upang patayin ang kanilang panganay na kapatid na si Ramgen "Ram" Revilla.   "Bale ang magpapapatay daw yung mga kapatid ni Ram Revilla, nabanggit niya po yung mga pangalan na RJ, Gail, at Mara tsaka kasama din po yung asawa ni Gail [na] is Hero," ayon kay Sheridan "Dondon" Embat sa panayam ni GMA News reporter Saleema Refran.   Ang magkakapatid ay mga anak ni dating Sen Ramon Revilla Sr. sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay.   Bautista ang tunay na apelyido ni Ramon Sr., at screen name lang ang Revilla na ginamit rin ni Ramgen nang mag-artista ito.   Ang tinutukoy umano ni Embat ay ang naging pahayag ni Ryan Pastera (alias Bryan), na sinasabing naging “middleman” sa pagpatay kay Ramgen.   Pinaslang si Ramgen sa loob ng kanyang bahay sa Paranaque noong nakaraang buwan. Malubhang nasugatan naman ang kasintahan ng biktima na si Janelle Manahan.   Kasama umano sa planong pagpatay kay Ramgen ang magkakapatid na sina Ramon Joseph "RJ" Bautista, 18, Ramona "Mara" Bautista, 22, at Maria Ragelyn Gail Bautista, 20.   Sa tatlo, tanging si RJ pa lamang ang nasa kostudiya ng pulisya, habang nakalabas naman ng bansa si Ramona. Samantala, kapapanganak lang kamakailan ni Gail.   Naunang itinanggi ng magkakapatid at kanilang inang si Genelyn ang akusasyon na may kinalaman sila sa nangyaring krimen. Nalaman ang plano   Ayon kay Embat, una niyang nalaman ang planong pagpatay kay Ramgen nang tanungin siya ng ka-frat na si Pastera kung may kilala siyang “hitman.”   "Nagkakasayahan po kami noon. Akala ko biru-biro lang. Lumapit sa akin, sabi may kakilala daw ba akong pumapatay ng tao. Tinanong ko kung kaaway ba niya. Sabi niya, may nagpapautos daw sa kanya,"  kwento ni Embat sa pag-uusap umano nila ni Pastera.   Sinabi pa ni Embat na lasing siya noon nang ibigay niya kay Pastera ang contact number ng kanyang kaibigan na si Kiko (Roy Francis Tolisora). Sa mga sumunod na araw, nagulat umano siya nang malamang nag-uusap ang dalawa at nagsara ng transaksyon.   Lalo umano siyang nagulat nang malaman niya kung sino ang ipapapatay at kung sino nagpapapatay.   "Si Ramgen pala, Ramgen Revilla na half-brother daw ni Sen Bong Revilla at anak daw ni Revilla Sr. Tapos yun nga po, handa daw sila (yung magkakapatid) maglabas ng P800,000 up to P1 million," kwento ng bagong testigo.   "Sila (magkakapatid) po yung mga nagti-tip o nagsasabi kapag kung ano po yung ginagawa ni Ram. Hindi lang po isang beses, maraming beses po nila pinagtangkaan yung buhay ni Ramgen," dagdag niya.   Nadakip na ng pulisya at nasampahan ng kaso si Tolisora kasama ang isa pang suspek na si Michael Altea.   Iginiit ni Embat na ipinaalam sa kanya ni Pastera ang planong pagpatay kay Ramgen pero hindi umano siya sumama.   "Hindi na po ako madalas nagrereply noon kasi ayoko pong masangkot diyan.  Kaya po ako lumabas para linisin yung pangalan ko. Alam ko naman po na wala talaga akong kinalaman dito," pahayag nito.   Nanawagan din si Embat kay Pastera na lumabas na at ipaalam ang kanyang nalalaman sa nangyaring krimen kay Ramgen.   "Alam mo magkakaibigan tayo, lumabas ka at sabihin mo yung totoo. At ikaw yung nakakaalam ng totoo kung sino ang nasa likod niyan, sana lumabas ka na lang," pakiusap ni Embat. —  FRJ/GMA News