Dahil babae si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sinabi ni dating Pangulong Joseph Estrada na hindi niya nais na sapitin nito ang mga paghihirap na naranasan niya noong siya'y nakulong. Narito ang panayam ni Jessica Soho kay Erap sa GMA News TV's
SONA nitong Nov 26.
JS: President Estrada bakit ho parang readily available kayo sa media ngayon kasi siyempre hindi maiwasan na mag-sip ang marami diyan na parang naggo-gloat ba siya kasi medyo nagdadaan sa krisis ngayon ang kanyang successor.
Erap: Hindi naman. Dahil wala akong ginagawa eh ‘di ba kaya balik lang ako sa... nagnenegosyo para makabawi. Alam mo naman anim na taon at anim na buwan akong nakulong at siyempre naging busy rin tayo sa nakaraang eleksyon kaya kailangang makarekober ako. Naghahanap-buhay, nagbi-business.
JS: Ano po ang masasabi niyo sa pinagdadaanan ni dating Pangulong Arroyo, nakakarelate rin po ba kayo pinagdaanan niyo rin ho ‘yon. Pardon me for the word, nademonized kayo sa media di ba. Hindi maganda yung pagbaba niyo sa puwesto parang ganun din po ang kinahantungan niya.
Erap: Puma-flashback sa’ken, naalala ko yung nagawa sa’ken pero mas malupit yung aking dinaanan kaysa sa kanya. Dahil masabi ko na mabigat yung ginawa sa akin wala namang due process ang salita eh gumawa sila ng special court, first time in the history ng judiciary and they hand picked justices to convict me. Samantalang siya binigyan ng mahabang proseso, due process. Konunsolidate pa mga ebidensiya niya para makita na talagang totoo ang lahat ng kasong pinaparatang sa kanya.
JS: May diskusyon po sa mugshot hindi agad lumabas ang sa kanya. Yung sa inyo lumabas agad, sumama ba ang loob niyo noon.
Erap: Talagang habang kinukunan ako masamang-masama ang… para bang isa kang ordinaryong kriminal na wala kang magawa. Hindi na lang ako kumibo, pagkatapos nun ipinasok ako sa selda, sa isang karsel. Nakita niyo naman siguro, ipinakita rin sa TV ‘yon kaming mag-ama ni (Sen) Jinggoy (Estrada). Masakit na masakit ang loob ko lalo na kasama yung anak ko si Jinggoy na wala ring kinalaman. Ang pinakamasakit sa akin Jessica nung nakakulong na ako, bumibisita yung mga apo ko yun anak ni Jinggoy nag- iiyakan. Iyon hindi ko matiim ‘yong mga apo ko na nakikita ko nag-iiyakan.
JS: Pero kinuwestiyon niyo ho ba? Yung mugshot ni Pangulong Arroyo hindi agad inilabas may diskusyon muna kung dapat ilabas. Pero sa inyo walang kaabog-abog lumabas agad.
Erap: Kaya nga moot and academic na. Ano pa kukuwestiyunin mo nilabas na nila, hindi ko rin alam.
JS: Hypothetical question President Estrada , pasensya na kayo pero kung kayo ho ang nasa puwesto ngayon, nabaliktad ho yung kapalaran halimbawa at yung pinagdadanan ni Pangulong Arroyo ay nasa inyong mga kamay, papayagan niyo po ba siyang mag-abroad para makapagpagamot?
Erap: Hindi naman tama ‘yon dahil sa kung ihahambing sa nangyari sa akin pagbababang- pagbaba ko wala pang isang linggo inutusan ni Gng Arroyo ang kanyang secretary of justice si Nani Perez na ako’y alukin na pwede akong lumabas ng bansa. Madadala ko ang gusto kong dalhin, walang kasong ipa-file laban sa’ken. Sa isang kondisyon that I resigned as president of the Republic of the Philippine in writing. Dalawang beses akong inalok, ang testigo diyan si dating Chief Justice Narvaza, yung chairman ng Bank of Commerce si Raul Demesa at dun ginawa sa… nag-meeting ako sa bahay ni Chito Madrigal Collantes bahay ni dating Foreign Affairs Collantes dun ako inalok. Dalawang beses inulit sa’ken ‘yon.
JS: At tinanggihan niyo po?
Erap: Tinanggihan ko.
JS: Pinayagan niya kayong mag-abroad para magpagamot. Sa inyo po naman mangyari ‘yon, reverse sa inyo po siya magpapaalam, kailangan niyang magpagamot; Ano po ang magiging pasya niyo.
Erap: Kailangan totoo yung kanyang karamdaman na talagang masakit na masakit talaga. Kamukha ng ginawa sa akin nakakulong na ako nun at sumakit dati pa naman masakit ang tuhod ko vice president pa lang ako. Ang nangyari ipinatawag pa ng Sandiganbayan yung duktor ko sa San Francisco sa Stanford. Pumunta sa Sandiganbayan, nagtestify sa Sandiganbayan at kung maaari sa Hong Kong gawin ang aking tuhod. Dahil may nangyari dito ginawa ang tuhod hindi successful naka-wheelchair habambuhay. Pinayagan ako pero kasama ko lang (wife) si Dra Loi at tatlong pulis na bantay. Kung totoo ba na masakit na masakit tetestigo yung mga duktor at hindi talaga kayang dito gawin bakit hindi dapat payagan… dapat payagan. Ang nangyari, nag-apply siyang (Arroyo) aalis, limang bansa ang pupuntahan niya. Hindi sinabi kung sinong duktor gagamot sa kanya. Ngayon mabuti na lang may kamukha ni Secretary of Justice De Lima na malakas ang loob. Na kung hindi nahinto yung pag-alis niya ‘di sana nasa labas na siya, hindi na makakasuhan siya.
JS: Hindi ho kayo naniniwala na delikado ang kanyang kalagayan?
Erap: Noon ‘di ako naniniwala dahil sa bakit limang bansa ang pupuntahan niya kung talagang delikadong…may speaking engagement pa yata sa isa… kung talagang delikado ang kanyang kalagayan bakit limang bansa at 11 yata ang kasama niya. ‘Yan napatunayan kanina yung mga duktor sinabi na pwede na siyang umuw. Yung mga duktor hindi niya pinatestigo baka magsalita ng totoo yung mga duktor na nothing serious sa kanyang kalagayan.
JS: Nabanggit po ng kanyang anak na si Dato, nabanggit sa isang statement kanina na mabait daw ang kanyang ina. Sa katunayan kahit kontra daw ang marami nung kaso ninyo ay binigyan kayo ng pardon. Kung mabaliktad din ho yun kayo ho ba bibigyan niyo siya ng pardon?
Erap: Unang-una yung pagkakaalis sa akin mas marami ang kumontra, milyon nag-rally na kumokontra dahil unconstitutional ang ginawa sa akin. Tungkol dun sa pinayagan ako, eh nasa kamay na ni President Noynoy ‘yon kung talagang ano…ano ba ‘yong nakalimutan ko (laugh).
JS: Kung kayo po ang nasa puwesto i-stretch ko lang yung hypothetical question natin at sa inyo naman humingi ng pardon halimbawa si Pangulong Arroyo. Kasi ho kayo binigyan niya, kung mabaliktad ho ano ang magiging pasya niyo kaya.
Erap: Aba kailangan…papaano ko siya bibigyan ng pardon kailangan ma-convict muna siya di ba. Paano ko siya mabibigyan ng pardon… kailangan harapin muna niya ang lahat ng pag-akusa sa kanya sa tamang proseso. At kapag nahatulan na siya siguro nasa discretion na ng presidente ‘yon kung bibigyan ng pardon. Siyempre ‘yan pinag-aaralan din ng isang pangulo kung anong extend ng seriousness ng crime na ginawa niya. ‘Yan mabigat ang ano…sa election fraud 2004, 2007… pagkatapos almost all the agencies ng government na-corrupt. Kamukha ng department of finance yung PeaceBond; yung DOTC yun ZTE; Department of Agriculture, fertilizer fund; yung Public Works, yung Macapagal highway… lahat yun sasagutin niya, ang dami. Kailangan harapin niya lahat ‘yon. Kaya nga ako nagdadasal sa Panginoon na ibalik ang kalusugan niya para maharap niya lahat itong kaso na ipinaparatang sa kanya.
JS: Kayo po na-house arrest din. May diskusyon ho kasi ngayon, hinihiling ng kanyang mga abogado na house arrest na lang. Paano ho ba ‘yon isinaagawa? Paano ang mechanics nun ‘pag naka-house arrest kayo. Pero in your case sa Tanay ho ‘yon sa inyong vacation house parang nakabakasyun po ba pakiramdam niyo rin?
Erap : Bago ako napunta sa Tanay mga four and a half years na ‘ko sa kulungan. Una, pag-aresto sa akin ng 3,000 pulis, mugshot lahat, pinasok ako sa karsel. Mag-iisang linggo ako sa Camp Crame. Pagkatapos nun dinala ‘ko sa Santa Rosa sa concentration camp, dun talaga ang dilim, ang layo. Dalawang bakod ang barbwire, mahigit isang linggo dun. Tapos dinala ko sa Veterans Hospital, siguro mga magtatlong taon ako dun, pagkatapos nun dinala ko sa Camp Crame.
JS: Sa palagay po ninyo dapat din siyang magdaan sa ganun?
Erap: Hindi naman. Ako naman nakikita ko kawawa ang pangulo. Kung ako ang tatanungin mo, eh siya ay isang babae. Alam mo naman kahit papaano ang babae ay babae. Hindi naman siguro dapat maghirap ng ganun na kamukha ng dinanas ko. Siguro kailangan hospital arrest sa ospital ng gobyerno para may kontrol ang ating pamahalaan. Hindi private hospital, kailangan govt hospital.
JS: Yung house arrest po ano ba ‘yon, ano ang mechanics nun? Kasi kayo nga ho sa Tanay so parang tingin ng marami nakabakasyon. Pero alam ko at some point nagrereklamo kayo mga huni na lang ng ibon yung nakakausap niyo.
Erap: Bago ako napunta sa rest house sa Tanay andun muna ko sa Camp Capinpin, matagal ako dun sa kampo ng mga sundalo. Pero mahigpit naman, isang tropa ng mga pulis ang nakabantay sa’ken. Bawal ang cellfone, lahat. Saka ang pupunta dun kinakapkapan, pati mga babae, pati si Dra Loi, kinakapkapan. Mahirap din mahigpit sa bisita kaya ‘yan ang mga dinanas ko. Ika nga kahit nakakulong ka sa isang gintong tahanan malungkot ang buhay.
JS: Kamusta na ho kayo ngayon parang you look good. Ano ho ang sikreto niyo?
Erap: Ang sikreto ko mapagpatawad ako, ‘di ako nagtatanim. Ang ating dasal, “patawarin Mo po kami sa aming pagkakasa tulad ng pagpapatwad sa nagkakasala sa amin". Kaya sa akin pinatawad ko na pati si Gloria Macapagal pinatawad ko na. Pero bahala na lang siyang sumagot sa ating mga kababayang Pilipino. Nadinig ko nga yung kanyang anak na si ano… si Dato, congressman… naawa sa ina niya, e maawa rin tayo sa… naawa siya sa ina niya. Ako naman naawa sa ating inang-bayan. Sa dami ng naghihirap na kababayan natin. Kamukha halimbawa…magandang halimbawa fertilizer fund ninanakaw. Tayo naging number one importer tayo ng bigas, natutulungan natin yung mga magsasaka ng dayuhan, sa Vietnam sa Thailand. Samantalang yung ating mga magsasaka hindi na natutulungan, ninanakawan pa ng fertilizer. Kaya kawawang-kawawa ang ating mga magsasaka.
JS: May Facebook account din po ba kayo?
Erap: Wala, wala
JS: Maiba lang ho tayo, hindi ho kayo nagpe-Facebook? Nagti-text ho kayo?
Erap: Marunong akong mag-text.
JS: E-mail? Erap: Hindi rin e, mga apo ko.
JS: Balita ko kaibigan niyo na ulit si Chavit.
Erap: Oo, sabi ko naman sa’yo…
JS: Paano ko nangyari ‘yon dahil sa testimonya niya na-impeach kayo.
Erap: Hindi lang naman siya nagkasabwat-sabwatan na yung mga burgis nagsabwatan, Simbahan. May mga sulat pa sa mga catholic school na mag-a-attend ng mga rally. Lahat nagsabwat-sabwatan na dahil nung kapanahunan ko Jessica, ito naman e recorded, documented, nung kapanahunan ko ni isang sentimo hindi sila nakapagtaas ng presyo ng tubig, ni isang sentimo hindi sila nakapagtaas ng presyo ng kuryente. Kaya yung malalaking negosyante pinagtulung-tulungan tayo. Sabi ko paano ko papayag na tataasan nila yung tubig, tataas ang kuryente, ako nanalo ko, naging pangulo ako dahil sa aking slogan na ‘Erap Para Sa Mahirap.’ Kung papayag ako na itaas nila ng 80 porsiyento ang tubig, baka sigawan ako ng mga tao, Erap Pampahirap. Pati yung sa LRT 36 pesos yung ano hindi napupuno. Pinatawag ko si Mr Bobby Sobrepena, consortium ‘yan eh. Sabi ko, sabi niyo mass transit ‘yan pero hindi kaya ng mahihirap, ibaba niyo naman ang presyo. Kaya from 36 pesos nababa namin 20 pesos. Kaya napuno na nang napuno.
JS: Paano po ‘yan marami kayong hindi nagawa dahil napababa kayo sa pwesto, then you ran last election 2010, may balak pa rin ba kayong makabalik sa pagkapangulo?
Erap: Hindi na siguro. Gusto ko lang sanang maipagpatuloy yung programa ko. Na sa paniwala ko na kailanman ay hindi tayo uunlad kung walang peace and order sa ating bansa. Napag-iwanan tayo Jessica, nung araw siguro maliit ka pa baka hindi ka pa pinapanganak, even up to early 60’s number 2 tayo sa Japan in terms of economic growth. Mas mayaman tayo sa Hong Kong, mas mayaman tayo sa Taiwan, mas mayaman tayo sa South Korea, mas mayaman tayo lalo na sa Singapore, Malaysia, Thailand. Ngayon nasaan tayo? Na-overtake na tayo ng Vietnam. Dahik nakikita ko kung anong klaseng bansa tayo, anong klaseng gobyerno mayroon tayo. Hindi natin maipatupad ang ating sariling batas sa sarili natin bansa. Katulad halimbawa ng insurgency nasa Luzon Visayas, more than 50 years na ‘yan hanggang ngayon. Tapos Mindanao naman nandiyan yun secessionist, yung MNLF naging MILF magpo-40-years na. Tapos seat of government Metro Manila, corruption, kidnapping, carnapping kaya nasaan tayo ngayon.
JS: Nabalitaan ko ho nagbabalak kayong tumakbo for mayor ng Manila, totoo ba ‘yon?
Erap: Hindi mga haka-haka lang ‘yon. Tingnan natin hindi ko naman sinasara (laugh).
JS: Sinabi rin na ang presidency ang pinakamatibay, pinakamakapangyarihang institusyon sa ating lipunan. Pero ako ho naka-limang presidente na nakita sa edad ko ho ngayon… Limang presidente, of the five from Marcos up to Gloria, tatlo ho ang hindi maganda ang katapusan… Marcos, Arroyo kayo ho. Paano ho kaya natin maipapaliwanag ito sa mga future generation ng mga Filipino. Paano nagkaganun the most powerful and supposedly the strongest institution in our country is also the most damaged.
Erap: Yun na nga e. Kaya ako ginagawa kong mabuti ang aking memoirs para makita ng tao ang katotohanan. Kung bakit nangyari sa akin ‘yon. Ako pinagtulung-tulungan ng mga tinatawag nating burgis, mga elitista, Simbahan, mga bigtime businessmen na hindi ko napagbigyan. At lalabas lahat ‘yan, dokumentado e.
JS: Pero how do you explain na tatlo ho out of five, bakit ho kaya ganito ang ating bansa?
Erap: Hindi ko maintindihan ‘yan, hindi ko masasagot sa ngayon ‘yan. Yung isa nag-proclaim ng martial law di ba, hindi yata nagustuhan ng tao. Itong pangalawa naman dalawang beses na nandaya sa eleksiyon. Ang masakit nun yung kumpare ko pa, yung pinakamamahal kong kaibigan, halos mas mahal ko yun sa kapatid ko, si FPJ (Fernando Poe Jr). Ako inagawan ng pwesto, si FPJ ninakawan ng panalo. Alam naman ng lahat ng tao si FPJ nanalo. Kahit bilyon-bilyon ang ginasta niya, ginamit ang militar, ginamit ang pulis, pati Namfrel ginamit. At bilyon-bilyon ang ginastos kaya pati Comelec ginamit, nakita mo naman yung Hello Garci. Kaya yung malaking kasalanan yun, para sa’ken suppressing the will of the people is one the greatest sin of Mrs Arroyo.
JS: May gusto po ba kayong sabihin kay Mrs Arroyo?
Erap: Unang-una sa akin wala na ‘kong… nagpapasalamat nga ko after six year and a half, ‘di ko naman hinihingi pero binigyan niya ko ng pardon. Pangalawa, ang masasabi ko lamang ay harapin niya lahat ng mga paratang sa kanya. At kung talagang mapapatunayan niya na walang siyang kasalanan, mabuti. Pero harapin niya. Kamukha ko dalawang beses na pinapaalis hindi ako umalis. Kaya sabi ko sa kanila kahit ikulong niyo ‘ko hindi ako aalis dito sa ating bansa, kaya ikinulong nga ako. Handa akong harapin lahat.
JS: Maraming salamat po Presidente Estrada at magandang gabi po.
Erap: Thank you. Isang malaking pong karangalan para sa akin Jessica. –
FRJImenez, GMA News