MMDA enforcer na nagmamando ng trapiko, binaril sa ulo
Himalang nakaligtas sa kamatayan ang isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na binaril sa ulo habang nagmamando ng trapiko sa Baclaran. Bagaman nakabaon pa sa ulo ang bala, sinabing ligtas na sa kapahamakan si Avelino Panzo, na nakaratay sa East Avenue Medical Center. Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing tumama sa taenga ni Panzo ang bala na ipinutok ng hindi nakilalang suspek. Pinapaniwalaan na nakatulong ang suot na helmer ng biktima para hindi siya mapuruhan. “Nung dumaan po ako nakita ko yung tao na ‘yan nakatalikod. Paglampas ko na po maam, yun na bigla na lang niya kong binaril," kwento ng biktima. Hinihinala na napagkamalan si Panzo ng salarin. Bago siya dumating sa lugar na pinangyarihan ng insidente para magmando ng trapiko, nagkaroon umano snatching incident kung saan sumaklolo sa biktima ang isang MMDA enforcer. “Meron pong snatching incident ng isang turistang Amerikano. Tumulong po yung isang enforcer, naagaw po yung bracelet, naibalik," ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino. “Pagdating po ni traffic enforcer Panzo may dumating naka-motor(siklo) at binaril na lang siya bigla sa ulo," dagdag niya. Malungkot man sa nangyari, nagpapasalamat na rin ang kamag-anak ni Panzo na nakaligtas ito sa kamatayan at makakapiling pa rin nila sa Pasko. -- FRJ, GMA News