ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Prayoridad ni PNoy, mali, ayon kay Lagman
MANILA – Sa halip na unahin ang pagpapalago sa ekonomiya ng bansa, inakusahan ng isang lider ng oposisyon si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na inuuna ang pagtira sa Korte Suprema at kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni House Minority Floor leader Rep Edcel Lagman, na nadismaya umano ang mga miyembro ng Makati Business Club (MBC) nang batikusin ni Aquino ang SC at si Gng Arroyo, sa halip na ipresenta kung papaano aayusin ang mahinang ekonomiya ng bansa. Basahin: Aquino hits Supreme Court for being ‘confused, confusing’ "Members of the Makati Business Club were disappointed when the President failed to outline his immediate economic agenda in the wake of the country’s anemic 3.2 percent growth rate in the third quarter," ayon kay Lagman. Si Aquino ang naging panauhing pandangal ng MBC sa ika-30 taong anibersaryo ng grupo kamakailan. Sa kanyang talumpati, binatikos ng pangulo ang SC sa mga pabago-bago umanong desisyon at sa ipinataw na temporary restraining order sa watch list order ng Department of Justice laban sa mag-asawang Gloria at Atty Jose Miguel “Mike" Arroyo. Basahin: Palace spokesperson: PNoy's remarks vs SC not meant to show disrespect Nitong Biyernes, sinabi ni SC Administrator Midas Marquez na luma na ang isyung ipinukol ni Aquino sa pinakamataas na korte sa bansa, at hindi na siya magkokomento tungkol dito. Bago nito, sinabi naman ni House Deputy Minority Leader Rep. Danilo Suarez, na dapat magsilbing panggising sa pamahalaan ang mababang pag-angat ng ekonomiya ngayong taon na malayo sa nakamit ng ibang kalapit na bansa. Ang nakamit na 3.2 percent growth ng Pilipinas ngayong taon ay malayo sa 7.3 percent na naitala noong 2010. Samantala, ngayong 2011, ang Indonesia ay nagtala ng pagtaas na 6.5 percent; habang 6.1 percent naman ang Vietnam at Singapore: 5.8 percent sa Malaysia, at 3.5 percent sa Thailand. Sa pahayag nitong Sabado, sinabi Lagman na hindi ang SC o si Arroyo ang naglalatag ng economic fundamentals sa bansa na siyang dahilan ng mahinang ekonomiya. "Only the Aquino administration can be blamed for the dismal economic performance because it has prioritized partisan vendetta over sound economic policies," ayon sa kongresista. "Fault-finding and engaging in the blame game are the trademarks of poor governance and are convenient smokescreens for lackadaisical performance," dagdag niya. -- GMA News
More Videos
Most Popular