ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Manny Pacquiao, hinirang bilang Army lieutenant colonel


Opisyal nang hinirang ang Pambansang Kamaong si Sarangani Rep. Manny Pacquiao nitong Lunes bilang lieutenant colonel sa reserve force ng Philippine Army.
 
Isinuot ni Army chief Major General Emmanuel Bautista ang rank insignia kay Pacquiao sa isang seremonya nitong Lunes ng umaga sa Philippine Army headquarters sa Fort Bonifacion, Taguig City.
 
Sa kanyang naging talumpati, ipinagtanggol ni Pacquiao ang kanyang paghirang sa kabila ng kakulangan niya ng college degree.
 
“Obviously, I am not trained for military operations, but it should be emphasized that reservists, are by their truest nature, civilian professionals first and military personnel second… Congressman Pacquiao is fairly entitled with the rank of lieutenant colonel,” aniya.
 
Ipinangako rin niyang “to win [his] few more fights and bring honor to our country” matapos niyang makuha ang mas mataas na ranggo.
 
Ipinagtanggol din ni Major Harold Cabunoc, tagapagsalita ng militar, ang pagkalehitimo sa pagbibigay ng mas mataas na ranggo kay Pacquiao.
 
“His commissionship was based on the provisions of Section 44 of Republic Act 7077 which provides that ‘elected officials and presidential appointees may be commissioned into the Reserve Force subject to the existing AFP rules and regulations’,” kanyang inihayag sa hiwalay na talumpati.
 
Pacquiao sa militar
 
Nitong Setyembre, inaprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III, sa pamamagitan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., ang paghirang kay Pacquiao bilang lieutenant colonel base sa rekomendasyon ng mga opisyal ng militar.
 
Naunang napabilang si Pacquiao sa Army reserve force sa ranggong sergeant nitong Abril 1, 2006 sa rekomendasyon ni Brig. Gen. Alexander Yano, dating brigade commander sa Sarangani. Nanungkulan si Yano bilang Armed Forces chief bago siya nagretiro noong 2009.
 
Matapos ang anim na buwan mula sa kanyang enlistment, hinirang bilang technical sergent, isang ranggong mas mataas sa naunang ibinigay sa kanya, hanggang na-promote siya muli bilang master sergeant. Nitong Mayo 4, 2009, itinaas muli ang kanyang ranggo bilang Senior Master Sergeant.
 
Samantala, kinuwestiyon ng ilang mga opisyal sa military ang kanyang paghirang sa ranggo ng isang opisyal sapagkat nangangailangan ito ng college degree.
 
Gayunman, mayroon naman umanong honorary doctorate degree on humanities si Pacquiao  na kanyang nakuha mula sa Southwestern University sa Cebu nitong Peb. 18, 2009, na kanya ring ginamit upang mahirang bilang Sarangani congressman noong Mayo ng nakaraang taon. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News