Ikakasal na maglive-in partner, pinaslang sa Ilocos Norte
Pinigil ng kamatayan ang nakatakdang pag-iisang dibdib ng mag-live in partner sa Dingras, Ilocos Norte matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek nitong Biyernes ng gabi. Sa ulat ng GMA News TVBalitanghali nitong Sabado, sinabing nakatakda sanang ikasal ngayong araw ang mga biktimang sina Denver Edica at Apple Sacramento. Natagpuan ang dalawa na tadtad ng tama ng bala sa ulo at katawan. Sa imbestigasyon ng pulisya, walong basyo ng bala mula sa Cal 45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen. Pauwi na umano ang mga biktima sakay ng isang motorsiklo nang tambangan sila ng hindi nakilalang suspek at pinagbabaril sa madilim na bahagi ng kalsada. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng motibo ng krimen at matukoy ang salarin. – FRJ, GMA News