Escudero: FPJ dapat kilalaning nanalo sa 2004 presidential elections
Inihayag ni Sen. Francis Escudero nitong Huwebes ang kanyang planong magpasa ng isang resolusyon para sa pagkilala kay yumaong aktor Fernando Poe Jr. na siyang tunay na nanalo sa 2004 presidential election. "Siguro by early next year makukumpleto na namin ang supisyenteng basehan para hilingin sa kongreso na kilalanin bilang nagwagi at nanalong pangulo noong 2004 elections si yumaong FPJ," ani Escudero nitong Huwebes. Ayon kay Escudero, tagapagsalita ni Poe noong 2004 eleksyon, hiningi na niya sa National Citizen's Movement for Free Elections (NAMFREL) ang tabulated election returns noong 2004 polls Inatasan ng Commission on Elections ang NAMFREL na magsagawa ng quick count sa 2004 presidential polls, kaya isa ito sa mga grupong nakatatanggap ng kopya ng election retruns. "Well, makakalap sana kami ng ebidensya sa hearing na ito at sa pagpupulong namin sana sa Namfrel para mahanap at makuha ang puno't-dulo ng naganap noong 2004... kung sino ba talaga ang nanalo kaya pinipigilan pa namin ang pagsampa at paghain nito [resolution]," aniya. Inihain din ni Escudero ang Joint Resolution No. 11 na naglalayong magtatag ng isang fact-finding commission na magi-imbestiga sa umano'y mga anomalyang naganap sa 2004 presidential elections. Sa mga naunang pagdinig ng Senado, tumestigo sina dating Shari'a court judge Nagamura Moner at iba pa sa pandaraya umano ng kampo ni Arroyo noong halalang 2004. 2004 polls Nagwagi si Gng. Arroyo sa 2004 elections kung saan nakakuha siya ng 12,905,808 boto habang si Poe naman nakamtam ang 11,789,232 na mga boto. Ayon kay Poe, dinaya umano ni Gng. Arroyo ang kanyang pagkapanalo. Pumanaw si Poe nitong Dis. 14, 2004 ngunit pinagpatuloy ng naulila niyang asawa na si Susan Roces ang laban para sa hustisya. Nitong Marso 2005, ibinasura ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang protesta. Noong Hunyo 2005, lumabas ang isang taped conversation sa pagitan ng isang babae, na hinihinalang si Gng. Arroyo, at isang lalaki, hinihinalang si dating Comelec commissioner Virgilio Garcillano, na nag-uusap ukol sa pandarayang naganap noong eleksyon. Itinanggi nina Gng. Arroyo at Garcillano na may kinalaman sila sa pandaraya umano noong 2004. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News