Paratang ni Corona, di papatulan ni PNoy
Inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules na hindi niya papatulan ang mga paratang ni Chief Justice Corona na nagiging diktador na umano siya. “Hindi ko na siya gagayahin sa istilo niya. Pero siguro isang notable thing, ano. Ang pagkakaintindi ko, nagsalita siya na taun-taon daw ay nagpa-file siya ng SALN [stament of assests, liabilites and net worth]. Ang dali-dali naman siguro kahapon ‘nung nagsasalita siya ay ipinakita niya ‘yung mga kopya ng SALN na na-file niya, ‘di ba?” ani Aquino. Ayon sa Pangulo, kung nais talaga ni Corona na mapakinggan siya, nararapat lamang na ipresenta na lamang niya ito sa kanyang SALN. “Di ba, simpleng-simple nilang statement in action: ‘Eto ‘yung na-file ko, maliwanag ba?’ Pero hindi ginawa. Bakit kaya?” ani Aquino. Mahigit 188 miyembro ng House of Representatives ang bumoto upang ipa-impeach si Corona. Naglalaman ang articles of impechment ni Corona ng mga paratang na umano'y may nagawang paglabag sa Saligang Batas si Corona, maliban sa mga kasong "graft and corruption" at "betrayal of public trust." Kabilang sa dahilan ng kanyang impeachment ay ang kanyang maling pagdeklara sa publiko ng kanyang SALN. Si Corona ang kauna-unahang chief justice na suma-ilalim sa impeachment. Diktador? Sa kanyang talumpati noong Miyerkules, binalaan ni Corona ang publiko sa "Aquino dictatorship." “At ngayon, sasabihin ko po sa kanilang lahat: ako’y tumututol sa walang-tigil na pang-aalipusta, pangduduro at pananakot. Ako’y tumututol sa dahan-dahang binubuong diktadura ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III,” ani Corona sa harap ng kanyang supporters sa judiciary. Sinagot naman ni Aquino ang mga paratang ni Corona. “Tingnan natin kung kanino bang actions ang nagpapatunay ng kung ano. Example: ‘Di ba ‘pag tayo’y dumudulog sa mga korte, inaasahan natin ‘yung simbolo, ‘di ba, ‘yung lady of justice nakapiring ang mata, tangan ‘yung scales of justice, parehas na parehas ang pangyayari, tapos mayroon ‘yung certainty doon sa batas,” ani Aquino. “So ‘pag nawala na ‘yung certainty mo sa predictability ng batas, ‘pag medyo pabagu-bago ang interpretasyon ng batas, sino ang nasusunod ngayon? Sino ang nagdidikta?” dagdag pa ni Aquino. “Sa palagay ko napakahirap namang intindihin na kami nagdidikta, na kami ‘yung hinihilo sa pabagu-bagong mga desisyon na naaapektuhan ang taumbayan," aniya. Nilinaw din niyang walang awayan sa pagitan ng mga institusyon kundi banggaan lamang ng mga personalidad. “I don’t think it is the Supreme Court and the Executive that has an issue, ano. It is certain personalities that are not doing their branch of the government due service that are causing these problems,” aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News