‘Di nagustuhan ang pagkain: Magsasaka, tinaga ang 79-anyos na ina
Labis ang pagsisisi at kahihiyan ng isang magsasaka matapos tagain umano ang sariling 79-anyos na ina na dahil lamang sa hindi niya nagustuhan ang inihandang pagkain ng magulang. Ngunit sakabila ng sugat na tinamo sa ulo, namayani pa rin ang pusong ina ni Narita Nolledo, residente ng Brgy Gonzalo, San Quintin, at pinatawad ang kanyang anak na si Andres. Sa ulat ng pulisya, galing sa pakikipag-inuman si Andres mula sa pagsasaka bago ito umuwi ng kanilang bahay para mananghalian. Pero hindi umano nagustuhan ni Andres ang nilutong sinigang na bangus ng kanyang ina at sa halip ay inihain na lamang ang pritong galunggong na kanilang ginawang agahan. “Nagwala siya tapos nakuha na niya ang kanyang itak ayon, tumakbo ako ‘di ko na alam," kwento ni Gng Narita. Ang itak na may habang 14 na pulgada na ipinantaga umano sa ina ay ginagamit din ni Andres sa pagsasaka. Nagtamo ng sugat sa likurang bahagi ng ulo ang biktima. Kaagad namang nagamot sa ospital ang biktima, habang kusang sumama sa pulisya si Andres. Pag-amin ni Andres, nakainom siya at hindi niya alam ang kanyang nagawa sa ina. Ayon kay Police Inspector Isaas Caranto, hepe ng San Quintin-PNP, mahaharap si Andres sa kasong attempted parricide. Nais naman ni Gng Narita na hayaan na lamang si Andres at pauwian sa Maynila kung saan naninirahan ang anak ng huli. - JA/JD/FRJ, GMA News