Dahil sa nakitang sira: Bulacan-Pampanga Bridge, 'di muna pwedeng daanan ng mga sasakyan
Iniutos ng Department of Public Works and Highways nitong Biyernes ng hapon na huwag munang ipagamit sa mga motorista ang Gatbuca Bridge sa Calumpit, Bulacan matapos madiskubre ang sira nito. Paliwanag ni Engineer Antonio Molano, director ng DPWH-Central Luzon, kailangan muna nilang isara sa motorista ang tulay habang kinukumpuni ang sira na inaasahang tatagal ng ilang araw. Ayaw umano ng opisyal na matulad ang Gatbuca Bridge sa katabi nitong Colgante Bridge sa Apalit, Pampanga na biglang bumagsak noong Nobyembre 23. Ang pagbagsak ng tulay ng Colgante ang nagtulak kay Bulacan Gob. Wilhelmino Alvarado, para hilingin sa DPWH na suriin ang katatagan ng tulay ng Gatbuca. Sa isinagawang pagsusuri, nadiskubre ng DPWH na may bakal ba naputol sa ilalim ng tulay kaya kaagad nilang inirekomenda na huwag na muna itong padaanan sa mga motorista. Mahalaga sa transportasyon ang tulay dahil ito ang nag-uugnay sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga. Gayunman, ilang motorista, partikular ang mga pampasaherong jeepeney na may rutang Malolos (Bulacan)-San Fernando (Pampanga) ang nagalit sa biglaang pagpapasara ng tulay. Ipinaliwanag naman ni Alvarado na mas mabuting magkaroon ng ilang araw na sakripisyo ang mga motorista habang kinukumpuni ang tulay kaysa mauwi sa trahedya ang sira ng tulay. “Emergency ang sitwasyon, kaya biglaan ang pagpapasara ng DPWH, hindi na tayo dapat maghintay na bumigay ang tulay at may masaktan (bago umaksyon)," paliwanag ng gobernador. Ang Gatbuca Bridge ay sinasabing naitayo bago pa maganap ang World War II noong 1940’s. - GMA News