ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Grupo, nananawagan na tangkilikin ang Pinoy products ngayong Pasko
Nananawagan ang isang grupo ng mga negosyante sa mga Pilipino na tangkilikin ang mga produktong Pinoy lalo na ngayong Kapaskuhan. "Buy Pinoy, Build Pinoy," ito ang pagkalahatang panawagan ng National Economic Protectionis Association (NEPA) sa isang pagtitipon kamakailan sa Quezon city.
'Ngayong Pasko at Bagong Taon, mabilis at masigla ang bilihan ng mga regalo mula damit, pagkain laruan, kagamitan sa bahay, at iba pa. Kaya pagkakataon na nating pasiglahin ang lokal na ekonomiya sa pagtangkilik sa sariling mga produkto," ayon kay Bayan dela Cruz, presidente ng NEPA.
Ipinaliwanag niya na ang bawat bilhing lokal na produkto – tulad ng damit, laruan, pagkain, kagamitan sa bahay – ay tiyak na makatutulong sa pagpapatatag ng ekonomiya ng bansa at may tinatawag na "multiplier effect " ito sa iba't ibang sektor at produksyon.
Dagdag pa niya, "Ang bawat bilhin na sarili nating produkto ay maaaring bumuhay ng ibang lokal na negosyo, wari'y maliit na mamumuhunang Filipino, bukod pa sa makapag-pasahod ng mga nagtatrabaho." "Bawat isa na magkakaroon ng trabaho ay bumibili ng mga maliliit na gamit sa bahay – mula lamesa't silya, mga pagkaing gawa sa atin, tulad ng puto't bibingka at ibang kakanin ngayong pasko na lahat ay
nilikha ng Filipino," aniya.
Sabi pa ni Dela Cruz, nagkakaisa ang kanilang hiling ng Federation of Philippine industries na panahon na para mabigyan ng pagkakataon ang ekonomiya ng bansa na umunlad, gaya ng nangyari noong 1960s, kung kailan pangalawa ang Pilipinas sa Japan sa hanay ng pinakamaunlad na bansa sa Asya.
Ang NEPA, ayon kay Dela Cruz, ay naniniwalang hindi ganap na aangat ang bansa kapag 'di ito dumaan sa proseso ng industrialisasyon, at malaki umano ang papel ng mga kapatid nating balikbayan at overseas Filipino workers lalo na ngayon Kapaskuhan.
Aniya, tuwing Christmas season dumadagsa ang mga produktong imported, at yun umano ang nakapagpabawas ng trabaho para sa mga Filipino.
Tags: nepa, buyfilipinoproducts
More Videos
Most Popular