ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ex-Army general Palparan, pinigilang lumabas ng bansa


Sinubukan ni retired Army general Jovito Palparan na lumabas ng bansa nitong Lunes ngunit nabigo ito nang pigilan siya ng Bureau of Immigration, ayon kay Justice Secretary Leila de Lima.
 
Sa panayam ng GMA News Online, inihayag ni De Lima ang pagtangkang paglisan ni Palparan patungong Singapore nitong 7:30 a.m. via Seair flight.
 
Aniya, hindi umano nakalabas ng bansa si Palparan dahil sa watch list order (WLO) na inihain laban sa kanya.
 
Expired na umano ang WLO na ito ngunit ayon kay De Lima, walang "express lifting" sa utos kung kaya nanatiling epektibo pa rin ito.
 
Maghahain pa umano ang kanyang legal staff ng panibagong WLO laban kay Palparan.
 
"No (there was no violation of his rights), he can question that of course," ani De Lima.
 
Nauna nang naghain ng kaso ang Department of Justice laban kay Palparan at sa tatlo pang ibang opisyal ng militar para sa pagkawala sa dalawang mag-aaral ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno.
 
Kinikilala si Palparan bilang isa sa mga marahas na pinuno kung saan man siya nakatalaga, kabilang na sa Samar at Mindoro.
 
Hinirang siya bilang kogresista sa ilalim ng Bantay party-list noong 2007 polls. Nitong 2010 eleksyon naman, tumakbo siya bilang Senador ngunit nabigo siyang makapasok sa Magic 12. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News