ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinsala ng bagyong 'Sendong' aabot na sa P1B


Halos aabot na sa isang bilyong piso ang naitalang pinsala ng bagyong Sendong na humagupit sa Cagayan de Oro at Iligan City noong nakaraang linggo. Ayon sa pinakahuling ulat sa dzBB, umabot na sa P952 milyon ang naitalang pinsala sa imprastraktura at P15 milyon ang naapektuhan sa agrikultura sa Hilagang Mindanao. Dahil sa lawak ng pinsala, idineklara noong Martes ni Pangulong Benigno Aquino III ang National State of Calamity upang mapadali ang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Sa huling bilang, 615 na ang naitalang nasawi sa Cagayan De Oro at 555 ang nawawala. Sa Iligan City ay umabot sa 283 ang nasawi at 406 pa ang pinaghahanap ng lokal na pamahalaan. Prayoridad ng pamahalaan ang paglikas ng mga residente na nakatira malapit sa mga ilog. Pinaghahanap na ni Pangulong Aquino ang National Housing Authority ng malilipatan ng mga biktima, kung saan ang kanilang mga tirahan na nawalis ng flash flood. Alinsunod sa pagdeklara ng National State of Calamity, ang mga biktima ng bagyong Sendong ay maaari nang kumuha ng Calamity Loan sa GSIS at SSS na walang interes. At sa lawak ng pinsalang idinulot ng bagyong Sendong, inihayag din ng Malakanyang na nakahanda ang P1.297 bilyong piso para masuportahan ang disaster response ng pamahalaan sa mga lugar na apektado ng kalamidad. Sa taong 2011, P5 bilyong piso ang nakalaan para sa kalamidad. Sa susunod na taon ay aabot sa P7.5 bilyon ang budget para sa Calamity Fund ng pamahalaang Aquino. Ang Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways at Department of National Defense ang mayroong tinatawag na “quick response fund” kung saan mayroong pondo para kaagad na umaksyon sa gitna ng kalamidad. Ang mga lokal na pamahalaan ay mayroon ding pondo para kaagarang umaksyon sa gitna ng kalamidad na nakapaloob sa Local Government Support Fund ng pamahalaan. – Lui Belmonte /LBG, GMA News