SWS: 64% ng mga Pinoy positibo ang pananaw sa Kapaskuhan
Bumaba ng 5 percent ang nagsasabing magiging masaya ang kanilang Pasko ngayong taon, habang nadagdagan naman ng 4 percent ang nagsasabing magiging malungkot ang kanilang pasko. ayon sa ulat ng DzBB, lumabas sa survey na ginawa ng Social Welfare Station (SWS) noong Disyembre 3–7, 2011, 64 percent ng mga Pilipino ang nagsabing magiging masaya ang kanilang Pasko, mas mababa kaysa sa naitalang 69 percent noong nakaraang taon. Umakyat naman sa 11 percent mula sa dating 7 percent ang may negatibong pananaw sa magiging kalagayan nila sa pasko. Samantala, 24 percent naman ang hindi tiyak kung masaya o malungkot ang kanilang magiging Pasko. Natuklasan din sa nasabing survey na 23 percent ng mga Pilipino ang nagnanais makatanggap ng pera bilang regalo ngayong pasko, 17 percent naman ang mas pinili ang magandang kalusugan, habang 13 percent naman ang gusto lang makasama ang kanilang pamilya sa pagdiriwang ng pasko. — Jeeno Arellano /LBG, GMA News