Nasawi sa bagyong 'Sendong,' umabot na sa 1,100 katao
Tumaas na sa 1,100 katao ang nasawi sa hagupit ng bagyong “Sendong," samantalang aabot sa 14,000 pamilya ang mapipilitang mag-Pasko sa mga evacuation center. Sa ipinalabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado ng umaga, sinasabing nasa P1.082 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian. Pansamantalang itinigil din muna ng NDRRMC ang pagbilang sa mga nawawala na umabot na sa 1,079 katao, "subject to reconciliation/verification." Ayon sa NDRRMC, tinatayang 108,798 pamilya o 695,195 katao mula sa 789 barangay sa 56 bayan at walong lungsod sa 13 lalawigan ang naapektuhan ni “Sendong." Sa naturang bilang, 14,089 pamilya o 69,287 katao ang nanunuluyan sa 46 evacuation centers. Ang pinsala sa mga ari-arian ay nasa P1,082,531,415, kabilang ang P1,080,595,000 sa empraestruktura at P1,936,415 sa agrikultura. Umabot naman sa 10,977 bahay ang nawasak at 26,912 na iba pa ang napinsala. Nananatili namang hindi madaanan ng mga sasakyan ang limang tulay at isang kalsada sa Central Visayas at Regions 10 at 11. Idinagdag ng NDRRMC na may 20 tauhan ng National Bureau of Investigation ang nagsasagawa ng pagproseso upang makilala ang mga nasawi. Binigyan sila ng "toxoid" immunization at mga kagamitan para protektahan ang kanilang kalusugan at binigyan din sila ng 300 cadaver bags. Namahagi rin ng Vitamin A supplements ang mga lokal na opisyal para sa mga bata sa mga evacuation center. Nakikipag-ugnayan din ang Department of Health sa United Nations International Children's Emergency Fund para sa kinakailangang 200 portable toilets (portalets) at paggawa ng mga pit privies sa mga evacuation center. Nagkaloob din ang DOH ng mga chlorine solutions at water disinfectants sa local government units. — FRJ, GMA News