ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Surigao, Agusan at Metro Cebu, nakaranas ng pagbaha
Matapos ang malakas na pag-ulan, pagbaha naman ang ikinahaharap ng mga residente mula sa ilang bahagi ng probinsya ng Surigao de Norte at Agusan del Sur, inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Martes.
Ayon kay NDRRMC executive director Benito Ramos, may ilang mga kalsada sa Surigao at Agusan na kinakailangang isara dahil sa matinding pagbaha.
"Closed ang traffic dahil (hanggang) baywang ang tubig baha doon. Sa Daang Maharlika ng Surigao del Norte, closed traffic dahil sa baha. (Sa) Agusan del Sur at North Bayugan City at San Francisco, baha na rin ito kaya closed traffic," kanyang inihayag sa dzBB radio.
Bago pa man tumaas ang baha, lumikas na ang mahigit 1,000 pamilya patungo sa mas mataas na lugar.
"Mabuti sanay ang tao rito. Nag-evacuate sila dito kahapon pa. Preemptive evacuation, walang casualties," aniya.
Umaabot sa 280 pamilya o 1,244 katao ang inilkas sa iba't ibang evecuation centers sa rehiyon ng Caraga.
Kabilang sa mga pamilyang ito ay mula sa Surigao City, Claver, Sison, Tuhod, at Placer sa Surigao del Norte; at Libjo sa Dinagat.
Ayon sa NDRRMC, naka-abang na ang Active Local Emergency response Teams (ALERT) ng Surigao del Norte at Dinagat Island Search and Rescue Team (DISART) kung sakaling kailanganin ang kanilang tulong.
Itinalaga na ang mga quick response team na ito sa ilang lugar ng Surigao City.
Cebu at Southern Leyte
Samantala, nai-ulat na rin ang ilang bahagi ng probinsya ng Cebu at Southern Leyte, ayon kay Ramos.
Ayon sa kanya, maagang inilikas ang mga residente ng bayan ng St. Bernard sa Guinsaugon, Southern Leyte.
Mahigit 74 pamilya o 275 katao mula St. Bernard ang idinala sa evacuation center.
Nitong Martes, patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa patuloy na pagtaas ng tubig sa ilang ilog sa Abuyog, Leyte, ayon sa NDRRMC.
Samantala, apektado rin ang ilang bahagi ng Metro Cebu sa pagbaha at pati rin ang landslide.
Ayon sa ulat ng dzBB nitong Martes, napasukan na umano ng tubig mula sa pagbaha ang isang SM mall sa Cebu City.
Karamihan sa mga residente ang lumikas na sa mas ligtas na lugar. Mahigit 60 pamilya o 300 katao ang inilikas mula sa kanilang mga bahay sa Sitio Laray, Pitogo at Cansaga villages sa bayan ng Consolacion sa Cebu.
Idinala ang mga residente sa mga simabahan at day care centers.
Kabilang ang Mandaue City ang nai-ulat na binaha.
Nauna nang nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration sa pag-ulan mula sa low-pressure area sa Visayas at Mindanao.
Nagbabala na rin ang PAG-ASA sa pag-ulan sa ilang bahagi ng Southern Luzon at Bicol. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular