ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang residente sa Ormoc City, inilikas dahil sa baha


Inilikas ang may 48 residente na kinabibilangan ng mga bata at matatanda sa Sitio Noah, Brgy Liloan sa Ormoc City nitong Martes ng umaga bunsod ng walang tigil na pag-ulan. Ang mga residente ang humingi ng tulong para sila mailikas sa ligtas na lugar sa pangambang tumaas nang husto ng baha sa kanilang lugar dahil sa pagtuloy na pag-ulan. Nagtulong-tulong ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang mailikas ang mga biktima gamit ang mga rubber boat ng Ormoc Rescue. Ayon sa City Disaster Risk Reduction Management Council, matagal nang pinagbabawalan tumira ang mga tao sa lugar dahil sa delikado rito tuwing tumataas ang baha. Lagi umanong humihingi ng tulong ang mga inilikas na residente kapag nagkakaroon ng pagbaha. Kaya naman pursigido na raw ang kapitan ng barangay na gumawa ng resolusyon upang tuluyan na silang mapaalis at mabigyan ng relokasyon. Ayon naman sa mga residente, handa silang umalis sa kanilang tinutuluyan kung mayroong silang malilipatang bahay. Hindi umano magiging madali sa kanila ang paglipat dahil nandoon ang kanilang kabuhayan. Ang Sitio Noah ay umaabot lamang ng humigit kumulang 2 hektarya na may 13 bahay at 18 pamilya na nakatira. Napapalibutan ito ng sapa na lampas tao ang lalim kapag normal ang tubig. Gumawa na sila ng tulay na kawayan na ginagamit na tawiran ng mga tao kapag bumabaha. Samantala sa Purok 2 ng Brgy Guintiguian ay may 90 katao ang inilikas sa ligtas na lugar, kunsaan kalahati sa mga ito ay mga bata. Maliban sa mga residente sa Sitio Noah, kampante naman ang ibang residente sa Ormoc City dahil sa flood mitigation control project na ginawa ng lokal na pamahalaan sa tulong Japan International Cooperation Agency (JICA) upang hindi na maulit ang nangyari noong Nobyembre 5, 1991. May inilagay din silang batingaw na tinawag na “Pasa Bilis" upang makapagbigay ng babala ang mga lugar na kalimitang dinadaanan ng baha. -- RCRoa/FRJ, GMA News