ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Habambuhay na pagkakakulong ng illegal loggers inaprubahan ng Kamara


Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang batas na maghahatol ng habangbuhay na pagkakabilanggo sa mga mapatutunayang illegal loggers sa bansa. Sa ilalim ng House Bill 5485 “Sustainable Forest Management Act of 2011," ang pagkokolekta ng timber at iba pang forest products na nagkakahalaga ng P500,000 at walang pahintulot mula sa Secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay idedeklarang illegal na may kaukulang parusang habangbuhay nag pagkakakulong. Gayundin, isinasaad ng panukala na ang mga bibili ng mga kahoy at gagamitin ito sa mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan ay mahahatulan din ng habangbuhay na pagkakabilanggo. Tinatayang limang libong ektaryang kagubatan ang nasira noong taon 2000 lamang dahil sa illegal logging. Ang pinakamalaking pagkasalanta ng kalikasan ay naganap diumano noong 1990s. Ang panukalang batas ay naglalayon na ibalik ang ganda ng ating kalikasan upang mas mapakinabangan ng mga susunod na henerasyon. — Lui Belmonte, GMA News