Bayani na ang pangalan ay hango sa isa sa tatlong Haring Mago
Kilala niyo ba kung sino ang bayani ng bansa na ang pangalan ay hango sa isa sa tatlong Haring Mago? Dahil nataon sa selebrasyon ng tinatawag na “Three Kings" ang pagsilang ng kanilang anak na babae noong Enero 6, 1812, sinasabing nagpasya ang mag-asawang Juan at Valentina Aquino na isunod ang pangalan ng kanilang bagong silang na anak sa isa sa tatlong Haring Mago. Sa tatlong hari na sina Gaspar, Baltazar at Melchor, nagdesisyon ang mag-asawang Juan at Valentina na piliin ang pangalan ng huling nabanggit na hari. Dinagdagan na lamang ito ng “a" sa dulo para maging akma sa pangalang pambabae – si Melchora Aquino na mas kilala sa tawag na “Tandang Sora." Tinawag siyang (Ma)Tandang Sora (mula sa pinaigsing Melchora), bilang paggalang sa kanya ng mga tao. May edad na noon si Melchora (mahigit 80-anyos na) nang tumulong sa pagpapakain, paggamot at pankanlong sa mga katipunerong lumaban sa mga mananakop na Kastila. Sa kabila ng kanyang edad, dinakip siya ng mga Kastila noong 1896, ikinulong at ipinatapon sa Marianas Island. Nakabalik lamang siya sa Pilipinas noong 1903 nang mailipat na sa Amerika ang pamamahala sa bansa. Pumanaw si Tandang Sora noong Pebrero 1919 sa edad 107, labing-anim na taon makaraan na makabalik siya sa Pilipinas. Unang inilagak ang kanyang mga labi sa Manila North Cemetery at pagkaraan ay inilagay naman sa Himlayang Pilipino Memorial Park sa Quezon City. Sa kanyang ika-200 taong kaarawan ngayong Enero 2012, isang bantayog ang ginawa para sa kanya na itinayo sa sinilangan niyang bayan sa Banlat, Quezon City (na dating sakop ng Caloocan). Sa naturang bantayog inilapat ang mga labi ni Tandang Sora, mula sa Himlayang Pilipino. - FRJimenez, GMA News