ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

NDRRMC: Kakulangan sa tubig, problema pa rin sa Iligan City


Patuloy pa rin ang problema sa kakulangan ng tubig ng mga residente sa Iligan City matapos ang hagupit ng Bagyong Sendong (Washi), inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Miyerkules.
 
"Iligan City continues to experience water shortage due to the explosion of the biggest water tank that supplies the city," inihayag ng NDRRMC nitong 8 a.m. ng Miyerkules.
 
Patuloy pa rin ang paghahatid ng tubig sa kanilang bayan habang isinagawa ang pag-aayos ng tanke, ayon sa NDRRMC.
 
Lubos na apektado ang lungsod ng Iligan at Cagayan de Oro sa Bagyong Sendong, na humagupit sa Mindanao at Visayas nitong Disyembre.
 
Umaabot ng 1,257 katao ang kumpirmadong patay habang 6,051 naman ang sugatan. Mahigit 170 katao naman ang nawawala pa rin.
 
Dagdag nito, ayon sa NDRRMC, patuloy ang pagbabantay ng mga health official sa mga kaso ng leptospirosis sa mga lugar na apektado.
 
Ayon sa kanila, nitong Lunes, nakatanggap ng leptospirosis prophylaxis (Doxycycline 100mg tablets at capsules) sa pamamagitan ng Direct Observed Treatment Scheme (DOTS) ang mahigit na 5,776 katao sa Region X.
 
Sa ngayon, umaabot ng 120,233 pamilya o 1,141,252 kato sa 815 na baranggay sa 57 na bayan at walong lungsod sa 13 na probinsya ang apektado ng Sendong.
 
Sa mga ito, umaabot naman ng 5,730 pamilya o 24,277 katao ang nanatili sa 55 evacuation centers.
 
Ang pinsala sa mga ari-arian ay nasa P1,399,602,882.40, kabilang ang P1,111,050,424.40 sa empraestruktura at P288,552,458 sa agrikultura. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News