Arroyo, isinusulat ang kanyang talambuhay
Isinusulat ngayon ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga REp. Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang talambuhay sa kanyang 11-taong pagkapangulo habang nanatili sa ilalim ng batas, ayon sa kanyang tagapagsalita nitong Huwebes. “The former President is a very hardworking person. Kung meron syang idle time, hindi siya masaya kaya sumusulat siya. She’s coming out with a book,” ani Elena Bautista-Horn, chief-of-staff at tagapagsalita ni Gng. Arroyo. Ayon kay Horn, sapagkat ipinagbawal si Gng. Arroyo na gumamit ng computer habang nakakulong sa loob ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City, manual na isinusulat ng dating Pangulo ang libro. “Naglo-long hand siya. ‘Yung cut and paste, very literal. Mayroong gunting, gugupitin niya yung paragraph na gusto niyang ilipat sa isang page tapos i-stapler niya sa kabilang page,” aniya. “Kami sa labas, nakakapag-computer kaya pagkasulat niya, tina-type namin,” kanyang idinagdag. Sinimulan ng dating Pangulo ang librong ito matapos niya isinulat ang papel tungkol sa problema sa ekonomiya sa bansa, kung saan, pinuna niya ang administrasyong Aquino sa "politics of division" umano nito. ‘Stone to the edifice' Ayon kay Horn, nais umano ng dating Pangulo, kasalakuyang Pampanga Representative, na gumawa ng talambuhay na magpapa-alala sa kanyang legasiya sa bansa. “It’s her stone to the edifice. Ang punto ng ating dating Pangulo, bawat pangulo nag-iiwan ng stone sa edifice. Gusto niya sumulat tungkol dito,” aniya. Samantala, hindi pa matukoy ni Bautista-Horn kung kailan mailalathala ang libro sapagkat nagpapabagal nito ang kawalan ng computer na kanyang magagamit sa pagsusulat. Ibinunyag naman ni Bautista-Horn na tapos nang isulat ni Gng. Arroyo ang tungkol sa EDSA Revolution noong 2001 -- kung saan napatalsik sa pwesto ang kanyang predecessor na si Joseph Estrada, at ipinalit siya sa pagkapangulo. “May pinatingin siya sa akin kung tama pa ‘yung pagkakaalala niya. Tungkol ito sa EDSA Dos, kasi kasama ako roon,” aniya. Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng desisyon ang Pasay court kung papayagan nito ang kahilingan ng dating Pangulo na gumamit ng cellphone at laptop sa kanyang detensyon room sa Veterans Memorial Medical Center. Kasalakuyang humaharap din si Arroyo ng kasong graft sa Sandiganbayan kaugnay ang national broadband network project deal na ini-award ng kanyang administrasyon sa ZTE Corp. ng China. Nitong Miyerkules, inirekomenda ng Justice Department ang paghain ng malversation charges laban kay Gng. Arroyo at sa tatlo pa sa maling paggamit umano ng pondo na para sa overseas workers. — Amanda Fernandez /LBG