ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nakabubusog na Patupat Festival ng Pangasinan


Maagang naglatag ng kani-kanilang mesa ang 34 na barangay ng Pozorrubio, Pangasinan para bigyang daan ang kanilang ibinibidang produkto ng bayan— ang kakaning patupat. Dinumog agad ito ng mga taong nais tumikim ng patupat makaraang ihudyat ng alkalde ng bayan ang sabay-sabay na pagkain ng kakanin. Masaya ang lahat nang dumalo sa kapistahan na kinabibilangan ng mga bata, matanda, sibilyan man o unipormado. “Masarap kasi, kahit na may diabetes ka, pwede pa rin," pagmamalaki ni Pozorrubio Mayor Art Chan. Tatlong oras ang paggawa ng patupat, pero tatlong minuto lang ang inabot at nasimot lahat ang kakanin na nakahain sa halos tatlong daang metrong hile-hilerang mesa. Nagkaroon din ng paligsahan kung sino ang pinakamabilis sa pagkain ng patupat. Unang sumabak sa pabilisan ng pagkain ng patupat ang mga guro, kasama ang ang DepEd District Supervisor sa bayan. Naging abala ang kalahok sa pag-nguya, lunok at pag-inom ng tubig. Kailangang pumito ang unang makakaubos sa patupat. “Pito at panalo ako, pero hirap ako sa pagpito," masayang kuwento ni Principal IV Dr. Helen Abellera. Ipinamalas din nila ang kanilang pyramid patupat— ito ang pagpapatong-patong ng mga kakanin na may 12 patong na hugis “pyramid". Ang pinakamalaking patupat na kanilang nagawa ay higit sampung beses ang laki sa normal na sukat ng tig-bente pesos na patupat. Ang pinakamaliit naman ay mas maliit pa kaysa kendi. Layon ng aktibidad na mas maipakilala ang produktong patupat ng Pozorrubio, Pangasinan. –JFArcellana/Glam Calicdan/FRJ, GMA News