ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Huge failure’: Ex-Pres Arroyo, kinontra ng dati niyang opisyal


Tinawag ni Department of Budget and Management Secretary Florencio Abad na malaking kabiguan ang siyam na taong pananatili sa puwesto ng dati niyang “boss" sa Malacanang na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. “… [S]he turned her back on her big opportunity, we ended up suffering from those years of very bad governance," pahayag ni Abad, nagsilbing education secretary noon sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Ang pahayag ay ginawa ni Abad bilang depensa sa isinulat ni Arroyo (“It’s the economy, student!"), kung saan inakusahan ng dating pangulo na labis na pamumulitika ang ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, at napapabayaan na ang ekonomiya. Puna ni Arroyo, iniwan niya ang pamamahala kay Aquino noong 2010 na ang paglago ng ekonomiya ay nasa 7.9-percent. Nitong Disyembre 2011, naitala ang paglago ng ekonomiya sa 3.2-percent lamang, kabilang sa pinakamababa sa buong Asya. Ngunit sakabila ng mas mataas na marka ng paglago ng ekonomiya sa ilalim ng kanyang panahon, sinabi ni Abad sa panayam ng media matapos ang Vin d’Honneur sa Malacañang, na hindi naging maganda ang pamamahala ni Arroyo at sinayang ang magandang pagkakataon nang maluklok ito sa kapangyarihan matapos ang 2001 People Power II. “Repeatedly the performance of her government — the economic and political — has been exposed as a huge failure over the past nine-and-a-half years," diin ni Abad, na kasama sa grupo ng mga dating kalihim ni Arroyo – na tinawag na Hyatt 10 – na nagbitiw sa puwesto habang kainitan ng “Hello Garcia" scandal noong 2005. Dagdag ni Abad, tumayong campaign manager ni Aquino noong 2010 presidential elections, na nais lamang ni Arroyo na makabawi sa mga naglalabasang negatibong balita kaya nito binabatikos ang pamamahala ni Aquino. Hindi na rin umano kailangan pang magsaliksik nang malalim para malaman kung ano ang tunay na kalagayan ng bansa noong panahon ni Arroyo. “Look at the employment numbers… It has worsened during their time," ani Abad. “Look at the way ratings agencies rated us… In the 18 months of this presidency, we had five upgrades in our rating — the last one was the S&P change in outlook — and we hope within the next two to three months that there can be a ratings upgrade." Bukod kay Abad, binuweltahan din ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda ang isinulat ni Arroyo at tinawag niya itong "sourgraping." “Lumang tugtugin. Sourgraping, it’s all about sourgraping. She is trying to paint the picture of gloom and doom for this country and it’s totally opposite to what business analysts have been saying," ayon sa opisyal. Dagdag pa ni Lacierda: “What growth is she talking about in her administration? That was not inclusive growth. We are talking about inclusive growth in our administration. We have hastened the pace of justice, we have not come up with new ways of corruption…We are driving away, we are curbing corruption, we are finding ways of improving the justice system here in the country." Si Arroyo ay kasalukuyang naka-hospital arrest dahil sa kinakaharap na kasong katiwalian na naganap sa panahon ng kanyang pamamahala. Mariin namang itinanggi ng kampo ni Arroyo ang mga alegasyon ng pamahalaang Aquino. -- FRJ, GMA News