ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ex-Rep. Ronald Singson, laya na sa piitan ng Hong Kong


Nakauwi na sa kanyang bayan sa Ilocos Sur ang dating kongresista ng lalawigan na si Ronald Singson, makaraang lumaya nitong Sabado sa piitan sa Hong Kong matapos ang 18-buwan na pagkakakulong. Naging emosyunal ang pagsalubong kay Singson ng kanyang mga kamag-anak at kababayan nang lumapag ang sinakyan niyang eroplano dakong 5:00 p.m. Kasamang dumating ni Singson ang kanyang ama na si Ilocos Sur Gov Luis “Chavit" Singson at kapatid na si Rep. Ryan Singson, na sumundo sa kanya sa Hong Kong. Hindi naman nakita ang napapabalitang nobya nitong aktres na si Lovi Poe. Sa naunang panayam ng GMA News kay Ronald habang nasa Hong Kong at hinihintay ang eroplanong sasakyang pabalik ng Pilipinas, sinabi nito na ngayon pa lamang pumapasok sa kanyang isipan na malaya na siya. “Heto, ngayon pa lang nasi-sink in yung katotohanan kaya medyo nagiging emotional pa…concentrate muna siguro sa negosyo saka spend time with family muna. I’ll take it slow for now," anang dating kongresista. Napilitan si Singson na magbitiw bilang kongresista ng Ilocos Sur matapos siyang mahatulan sa Hong Kong na makulong ng 18-buwan dahil sa pagdadala niya doon ng ilegal na droga noong July 2010. Nakuha kay Singson ng mga awtoridad ng Chek Lap Kok International Airport sa Hong Kong ang may 26.1 gramo ng cocaine at dalawang valium tablets. Kasunod ng pagbibitiw ni Singsong, nagkaroon ng special election sa distrito nito at nahalal ang kanyang kapatid na si Ryan. Isang misa ang inialay sa dating kongresista sa kanilang tahanan sa Ilocos Sur na mas kilala sa tawag na Balwarte. Magkakaroon din ng salo-salo sa gabi at press conference kunsaan sasagutin ni Ronald Singson ang mga katanungan ng media. -- FRJimenez, GMA News