Plano ng prosekusyon na gawing testigo si ex-Pres Arroyo vs Corona, ‘di raw magandang diskarte
Nagbabala ang isang beteranong kongresista na baka mag-backfire sa House prosecution panel ang balak nito na gawing testigo sa impeachment trial si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Sa isang media forum sa Quezon City nitong Martes, nagpaalala si Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet" Gonzales II, sa mga miyembro ng prosekusyon na pinangungunahan ni Iloilo Rep Niel Tupas na lubhang matalino si Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. “I’ve been a practicing lawyer for 15 years, kung ako iyan, hindi ko ipi-present iyan (Arroyo as witness) kasi hindi ko kontrolado kung ano ang sasabihin niyan (sa korte)," pahayag ni Gonzales, tumatayong House Majority Floor Leader. Kung sakali man na gamitin umano ni Gonzales na testigo si Arroyo, ipipresenta niya ito sa Senate impeachment court bilang “adverse witness." “It is very difficult to present one from the point of view of a practicing lawyer which I did for 15 years. It’s a very rare occasion that you make use of an adverse witness as your own witness," dagdag ng kongresista. Una rito, inihayag ng panig ng prosekusyon na plano nilang paharapin sa paglilitis si Arroyo para gawing testigo at patunayan na sadyang malapit ito kay Corona kaya niya itinalagang punong mahistrado ng Korte Suprema kahit na papaalis na noon sa Malacanang ang dating pangulo. Paliwanag naman ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, tagapagsalita ng prosecution panel, na hindi pa sigurado at pinag-aaralan pa nila kung gagawing testigo si Arroyo. Kasalukuyang naka-hospital arrest si Arroyo dahil naman sa kinakaharap na kasong katiwalian. Sinabi naman ni Gonzales na may iba pang paraan para patunayan ng prosekusyon ang pagiging malapit nina Arroyo at Corona. 'May epekto sa trabaho' Kasabay nito, aminado naman si Gonzales na may epekto sa trabaho ng Kongreso ang ginaganap na impeachment trial kung saan tumatayong tagausig ang ilang kongresista at nagsisilbing hukom ang mga senador. Kabilang sa mga naapektuhang trabaho ng mga kongresista ay ang nakabinbing impeachment case laban sa isa pang mahistrado ng SC na si Associate Justice Mariano del Castillo. Ayon kay Gonzales, walong session days na lamang ang nalalabi sa Kamara para aksyunan ang impeachment case laban kay Del Castillo na inakusahang nangopya ng desisyon tungkol sa kaso ng comfort women. Sa isinumiteng tugon ni del Catillo sa Kamara, iginiit niya na hindi siya nangopya ng desisyon walang basehan ang akusasyon ng betrayal of public trust na gagamiting basehan para siya ipa-impeach. Ang kaso ni Del Castillo ay nasa House justice committee na pinamumunuan ni Tupas, na siyang nangunguna sa panig ng prosekusyon sa nagaganap na paglilitis kay Corona. - RP/FRJ, GMA News