Senate committee report vs cartel at monopolyo, inilabas na
Ikinasa na ng Senate Committee on Trade and Commerce ang panukalang batas kontra sa pagmonopolyo, cartel at iba pang uri pagsasamantala sa mga negosyo sa Pilipinas. Ang committee report kaugnay sa panukalang batas na tinawag na “Competition Act of 2011” o dating “Anti-Trust Bill,” ay inilabas ng Senate committee on trade and commerce na pinamumunuan ni Sen. Manny Villar. Sinabi ng senador na kailangang maging batas ang naturang panukala para mabigyan ng ibayong proteksiyon ang mga konsumer laban sa pagmonopolyo ng mga negosyante sa iba’t ibang industriya. “Because consumers have no other product choices, monopolies can increase or decrease at will. In the end, the people who suffer big price increases are those who have low-paying jobs or are minimum-wage earners,” paliwanag ni Villar. Nataon ang pagpapalabas ng committee report sa panahon na sunod-sunod na naman ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Inaakusahan ng mga militanteng grupo na may nagaganap na monopolyo o kartel sa industriya ng langis. Sa naturang panukala, ipagbabawal ang mga gawain na magreresulta para mapigilan o mabawasan ang kompetisyon ng mga kumpanya sa bansa at paghahari ng ilang kumpanya sa isang uri ng industriya. Maging ang pagsasanib ng mga kumpanya para mabawasan ang kompetisyon ay ipagbabawal din at ituturing krimen ang pagkontrol sa presyo at suplay ng mga bilihin at serbisyo. Nakapaloob sa panukala ang pagpapataw ng multang P10 milyon hanggang sa P750 milyon sa sinumang negosyante at kumpanya na lalabag sa panukalang batas. Para matiyak na epektibong maipapatupad ang panukala, lilikhain ang Office for Competition na magsasagawa ng monitoring at imbestigasyon sa mga kumpanyang lalabag sa naturang batas. Bibigyan ng kapangyarihan ang ahensiya na magpalabas ng subpoena upang makuha ang libro ng mga kumpanya na mahaharap sa kasong monopolyo o kartel sa negosyo. Ang “Competition Act of 2011” ay produkto ng pinagsama-samang apat na panukalang batas na inihain din nina Senate President Juan Ponce Enrile, Sens. Ralph Recto, Serge Osmena, Antonio Trillanes, at Miriam Defensor-Santiago. -- RE/FRJ, GMA News