ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Magkapatid na may sakit sa pag-iisip, napilitang ikulong ng kanilang magulang


Upang maprotektahan, napilitan umano ang mga magulang na ikulong ang kanilang dalawang anak na may sakit umano sa pag-iisip sa bakuran ng kanilang bahay sa San Carlos City sa Pangasinan. Matapos makipag-ugnayan sa San Carlos City Social Welfare and Development Office, tinungo ng GMA News ang Barangay Calomboyan sa San Carlos kung saan nakatira ang magkapatid na umano'y may diperensiya sa pag-iisip at nakakulong. Masukal ang lugar na tinitirhan ng magkapatid at kinailangang lakarin ang lugar kasama ang mga barangay health worker upang marating ang pakay na bahay. Nang marating ang lugar, sumalubong sa grupo ang 87-anyos na padre de pamilya. Unang nakita ng grupo ang isang 24-anyos na lalaki na hindi makatayo dahil sa sakit. Sa likod ng kanilang kubo, nakatira ang 31-anyos niyang kapatid na babae. Gawa sa pinagtagpi-tagping yero at walang sahig ang kanilang tinitirhan. Nang tanungin ng grupo kung nahihirapan sila sa kanilang sitwasyon, sumagot ang babae na hindi naman. Kwento ng magulang ng magkapatid, may 10 taon nang ganito ang kalagayan ng kanilang dalawang anak. "Hirap na hirap na kami. Wala na kaming maipakain…" sabi ng magulang. Ang ama ng dalawa, nahihirapan na umanong mag-alaga dahil na rin sa kanyang katandaan. Sinabi nila na minsan ay nagiging bayolente ang mga anak kaya nila ikinukulong ang mga ito. Ikinakandado rin nila kung minsan ang kinalalagyan ng dalawa para hindi makalabas. Ang pagpiit sa dalawa ay proteksyon din umano sa dalawa para hindi mawala o malunod dahil malapit sa palaisdaan ang kanilang bahay. Hindi pa alam kung ano ang eksaktong problema sa pag-iisip ng magkapatid dahil hindi sila naipasuri sa espesyalista dahil sa kawalan ng pera ng kanilang magulang. Ayon sa CSWD, dadalhin nila ang magkapatid sa National Mental Health Association sa Dagupan para ipakonsulta. "Yung pagkain, temporary na bibigyan mula sa supply sa office," ayon kay Jesusa Viduya, City Social Welfare and Development Officer Dagdag pa ng CSWD, labag sa karapatang pantao ang pagkukulong sa mga anak, pero naunawaan daw nila ang ginawa ng mga magulang. Wala pang planong kunin ng CSWD ang dalawang magkapatid. Pero pag-aaralan mula ng ahensiya kung may kapasidad ang lima pang anak ng mag-asawa kung maaari nilang alagaan ang dalawa nilang kapatid. – CJTorida, GCalicdan/FRJ, GMA News