ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gatdula, kasamang pinakakasuhan ng DOJ; PNoy, naghahanap ng bagong NBI chief


Kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima na magtatalaga si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ng bagong pinuno ng National Bureau of Investigation, kapalit ng nakabakasyon na si Magtanggol Gatdula. Ang paghahanap ng kapalit ni Gatdula ay bunga ng reklamong kidnapping at extortion ng isang Japanese national laban sa ilang tauhan at opisyal ng NBI. Sa panayam ng media sa Camp Crame nitong Huwebes, sinabi ni De Lima na binigyan na siya ng go-signal ng pangulo na isapubliko ang resulta ng ginawang imbestigasyon sa pagkakasangkot ng ilang tauhan at opisyal ng NBI sa umano’y pagdukot at pangongotong sa Japanese national na tinawag na si Oriyo Ohara. "I can confirm also that Director Magtanggol Gatdula will be replaced, the President has indicated already that he will be replacing Director Gatdula," pahayag ni De Lima. Ang NBI ay nasa ilalim ng pamamahala ng DOJ. Nabigo naman ang GMA News Online na makuha ang panig ni Gatdula. Tumanggi muna si De Lima na magbigay ng detalye kung hanggang saan ang pagkakasangkot ni Gatdula sa kaso ni Ohara. Si Ohara ay sinasabing dinakip ng ilang tauhan ng NBI noong Oktubre 2011 dahil sa pagiging undocumented alien. Sa NBI headquarters sa Manila, nagkaroon umano ng negosasyon at pinalaya ito kapalit ng pagbibigay ng P6 milyon. Nauna nang itinanggi ni Gatdula at iba pang opisyal ng ahensiya ang alegasyon laban sa kanila. Naghain din ng leave of absence si Gatdula habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kaso. “They appeared to be not certain of their answers on whether it was a rescue operation or a criminal operation," ayon kay De Lima. “But the conclusion of the panel is that it was a criminal operation that Miss Ohara was taken against her will, that there was extortion and the P6 million was totally paid." Inirekomenda ng DOJ panel na isama si Gatdula sa mga opisyal at tauhan ng NBI na kakasuhan ng kidnapping at serious illegal detention, at kasong administratibo. Si Gatdula ay produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1976. Itinalaga siyang hepe ng NBI noong 2010, matapos niyang pamunuan ang Directorate for Information and Communications Technology Management ng PNP. Kandidato bilang NBI chief Hindi nagbigay ng pangalan si De Lima kung sino ang posibleng pumalit kay Gatdula pero matunog ang pangalan nina dating Philippine National Police Chief Raul Bacalzo at Police Director Samuel Pagdilao, hepe naman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). "I cannot confirm nor deny anything, but there are of course several names being considered. I don't know kung may authority ako magsalita diyan. Let us not preempt the President," ayon sa kalihim. Sa pagdiriwang ng ika-59anniversary ng CIDG na dinaluhan ni De Lima, sinabi ni Pagdilao na ikinalulugod niya na makasama sa listahan ng mga sinasabing pinagpipilian ni Aquino bilang NBI chief. “I feel happy, honored because if one is considered in certain position, it is something that tells of one’s background, one’s qualification and one’s performance," ani Pagdilao na produkto naman ng PMA Class 1979 at nakatakdang magretiro sa Pebrero 2013. Katulad ni Pagdilao, abogado rin si Bacalzo, na mula naman sa PMA Class 1977. — FRJ, GMA News

Tags: gatdula, nbichief