ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Liderato ng minorya sa Kamara, binitiwan na ni Lagman


Nagbitiw na bilang House Minority Leader at chairman ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), si Albay Rep Edcel Lagman. Dahil dito, papalit kay Lagman bilang lider ng minorya sa Kamara de Representantes si Quezon Rep. Danilo Suarez. Sa susunod na linggo ay pormal na ipapaalam sa plenaryo ng kapulungan ang paghirang kay Suarez bilang bagong minority leader. “I am resigning as Minority Leader to give way to former President Gloria Macapagal Arroyo’s anointed one," ayon sa pahayag ni Lagman nitong Huwebes. “I likewise resign as Chairman and member of Lakas-CMD and as Vice President of the Centrist Democrats International (CDI), a worldwide organization of Christian and Muslim Democratic parties, of which Lakas-CMD is a member," dagdag niya. Masama ang loob ni Lagman sa pag-alis niya bilang lider ng minorya sa Kamara dahil sa paniwala nito na pinagkaisahan siya ng grupo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Kabilang umano sa pumirma sa manifesto ng suporta para ipalit sa kanya si Suarez ay ang mga anak ni Arroyo, mga dating naging opisyal sa Arroyo administration, at mga madalas daw na kasama sa biyahe ng dating pangulo. “Kaya ang palagay ko, hindi na maganda ang samahan kaya nagbitiw na lang ako kahit na wala pang approve majority na nakukuha si Cong. Suarez," paliwanag ni Lagman. Samantala, pinasalamatan naman ni Suarez si Lagman sa pamumuno nito sa minorya sa loob ng mahigit isang taon. “His sterling qualities as a leader helped the opposition bloc to express its positions and make critical stand in the Aquino government," ayon kay Suarez. Iginiit niya na ang pagkuha niya sa liderato ng minorya ay pagtupad lamang sa naging kasunduan nila noon na maghahati sila ng termino bilang minority leader sa Kamara. Kahit hindi na kabilang sa grupo ni Arroyo, sinabi ni Lagman na patuloy naman siyang magiging kritikal sa mga maling gawain ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. -- AFernandez/RP/FRJ, GMA News