ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Enrile, bukas sa paggamit ng Filipino sa impeachment trial 


Inihayag ni Senate President Juan Ponce Enrile, presiding officer sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, na bukas umano siya sa mga nagmumungkahing isagawa ang pagdinig sa wikang Filipino.
 
Ngunit aminado rin si Enrile na maaaring magkaroon ng problema sa ilang legal at technical na salita.
 
“Okay sa akin yan, pwede sa akin. Ang termino ng batas mahirap yata ... pero ang sistema ng pagtanong puwede naman eh,” inihayag ni Enrile sa radio dzBB.
 
Nagsimula ang pagdinig ng impeachment ni Corona nitong Enero 16. Walang pagdinig nitong Lunes, Enero 23, sapagkat holiday ang Chinese New Year. Manunumbalik muli ito sa darating na Martes ng hapon.
 
Paggamit ng Filipino, pagbagal ng pagdinig?
 
Nitong Linggo, inihayag ng isang opisyal ng Malacañang na maaaring bumagal ang takbo ng pagdinig kapag Filipino ang gagamiting wika.
 
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, may ilang mga salitang Ingles at Latin na walang katumbas sa Filipino at maaaring matagalan pa sa pagsasalin.
 
“Bilang abogado nakita ko baka magkaroon ng kahirapan sa pagsalin ng technical na salita na ginagamit sa trial practice. Yan ang isang nakitang baka magkaroon ng kahirapan at baka bumagal,” ani Valte sa panayam ng dzRB radio.
 
Marami umanong technical terms na walang direktang salin sa Pilipino “so baka mahirapan ang abogadong diretsong Pilipino.”
 
Sa kabila nito, ayon kay Valte, hahayaan na lamang ng Palasyo ang Senado na magdesisyon sa isyung ito.
 
“Bahala siguro ang ating senador kung paano nila aaktuhan ang ganitong suhestyon,” aniya.
 
Mungkahi
 
Nauna nang iminungkahi ni Malolos (Bulacan) bishop Jose Oliveros ang kanyang pagnanais para sa mga abugado at senador-hukom na magsalita sa wikang Filipino o gumamit na lamang ng pananalitang pamilyar sa karaniwang Pilipino.
 
Ayon naman ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, maaari namang humingi ng tulong ang media sa mga abugado upang paintindihin sa mga Pilipino ang nangyayari sa pagdinig.
 
Samantala, giit ni Enrile, hindi umano "emotional" ang pagdinig, debate at persuasion umano ito at walang emosyon na kailangan.
 
“This is a trial ... Huwag natin gamitin ang emotion. Ang batas walang feeling yan, emotionless,” aniya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News