ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga nagtitinda ng bulaklak sa Baguio City, excited na sa Panagbenga Festival


Excited na ang mga nagtitinda ng bulaklak sa Baguio City para sa nalalapit na Panagbenga o Flower Festival kung saan maipapamalas nila ang mga magagandang bulaklak ng tinaguriang City of Pines. Sa taong ito, umaasa ang mga flower shop owner ng magandang kita. Naging matumal kasi ang bentahan ng mga bulaklak noong nakaraang taon sa kabila ng pagdagsa ng mga turista para makisaya sa kapistahan. Nakaapekto rin ang sunud-sunod na paghagupit ng bagyo na ikinasira ng mga bulaklak sa ilang flower farms sa Benguet. Pero sa taong ito, tiniyak ng mga tindera ng bulaklak na magagandang klase ng mga bulaklak ang mabibili sa lungsod. Sapat din umano ang suplay para sa flower festival. “Kahit tumaas ng konti ang presyo, maganda naman," pahayag ni Regina Aromin, tindera ng bulaklak. Hindi pa man pumapasok ang buwan ng Pebrero ay may mga umu-order na ng bulaklak para sa mga float na gagawin at isasali sa grand parade. Umapela rin ang ilang tindera sa mga sasali sa parada na mga totoong bulaklak ang kanilang gagamitin sa floats. Ayon naman sa pamunuan ng Baguio Flower Festival Committee, mahigpit nilang ipapatupad ang criteria para sa mga float na sasali. Sa katunayan, ginawa na ngayong 95 percent ang batayan sa paggamit ng mga natural na disenyo sa floats. – CCVictorio/GLCalicdan/FRJ, GMA News