ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang 10-taong-gulang pababa, bawal iangkas sa motorsiklo kung…


Inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na nagtatakda ng panuntunan sa pagsakay sa motorsiklo ng mga bata na 10-taong-gulang pababa. Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 5626 o the Motorcycle Safety for Children Act of 2011, mahigpit na ipagbabawal na isakay sa motorsiklo na dadaan sa mga highway ang batang wala pang 10-taong-gulang kung wala itong suot na standard protective helmet. Layunin ng panukalang batas na matiyak ang kaligtasan ng mga bata na iniaangkas sa mga motorsiklo kapag naglalakbay, ayon sa may-akda ng HB 5626 na si Antipolo City Rep. Romeo Acop. Ang ipagagamit na helmet sa bata ay dapat naayon sa itinatakda naman ng Republic Act (RA) No. 10054 o ang " Motorcycle Helmet Act of 2009." Nakasaad sa RA 10054 na maaaring isakay ang isang bata sa motorsiklo kung naaabot ng paa nito ang footrest ng sasakyan, at kaya nitong yumakap sa nagmamaneho ng motorsiklo. Paliwanag ni Acop, kailangan ang mahusay na balanse ng katawan sa mga nakasakay sa motorsiklo lalo na kung mabilis ang pagtakbo nito. "Children's physical frailty and their lack of agility that of an adult while co-riding in a motorcycle place them at great risk," paliwanag ng kongresista. Maliban sa mga emergency cases, nais naman ni Caloocan City Rep. Mary Mitzi Cajayon, na limitahan na lamang sa dalawa ang sakay ng motorsiklo, kasama na ang drayber. Sa ilalim ng panukala, pagmumultahan ng hindi hihigit sa P3,000 ang unang paglabag; P5,000 sa ikalawang paglabag; at P10,000 naman sa ikatlong paglabag. Sususpindihin din ng isang buwan ang lisensiya ng mga mahuhuli sa ikalawa at ikatlong paglabag. Subalit kung mahuling lumabag ito sa ikaapat na pagkakataon, tuluyan nang kakanselahin ang kanyang lisensiya. - RP/FRJ, GMA News