ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Unang Supreme Court Chief Justice
Kilala niyo ba kung sino ang kauna-unahang Punong Mahistrado ng Korte Suprema na pinamunuan ang pinakamataas na korte ng bansa sa loob ng labing-siyam na taon. Sa ngayon, umabot na sa 23 ang itinalagang Chief Justice mula nang itatag ang SC noong June 1901 sa bisa ng Philippine Commission Act 136. Ang pinakahuli ay si Chief Justice Renato Corona na nahaharap ngayon sa impeachment trial. Ang kapangyarihan sa pagtatalaga ng Punong Mahistrado ay nasa kamay ng Pangulo ng bansa. Ang mapipili ay batay sa isusumiteng tatlong pangalan na manggagaling naman sa Judicial and Bar Council. Nang itatag ang SC noong 1901, itinalaga ng mga mananakop na Amerikano si Cayetano Lonzon Arellano, bilang kauna-unahang Punong Mahistrado ng pinakamataas na korte sa bansa. Siya ay nasa edad na 54. Si Arellano ay isinilang noong March 2, 1847 sa Orion, Bataan mula kina Don Servando Arellano at Crisfora Lonzon. Nagtapos siya ng elementarya at high school sa Colegio de San Juan de Letran. Sa University of Santo Tomas naman niya tinapos ang kolehiyo na may kursong Bachelor of Philosophy (1862), Bachelor of Theology (1867), at Bachelor of Laws (1876) at nakapasa sa Bar Exam. Bago naging Punong Mahistrado, ilan pa sa mga posisyon na hinawakan ni Arellano ay ang pagiging miyembro ng Manila City Council at Council of Administration; itinalagang miyembro ng unang Provincial Convention sa Manila; at miyembro din ng Magistrado Suplente ng Audiencia Territorial ng Maynila; at miyembro ng Consultative Assembly. Sa ilalim ng pamumuno ni American Governor General Elwell Otis, hiniling niya kay Arellano na tumulong sa pagbuo at pag-organisa ng Courts of Justice; pagbuo ng Mercantile Law; Code of Criminal Procedures; pagrebisa sa marriage law at maging sa ng batas tungkol sa municipal government. Noong 1904, hinirang ng noo'y US President na si Theodore Roosevelt si Arellano na katawanin ang United States at Pilipinas sa International Congress of Jurists sa St. Louis. Nagtapos ang termino ni Arellano bilang Punong Mahistrado noong Abril 1920. Pagsapit ng Disyembre 1920 ay binawian siya ng buhay sa edad na 73. — FRJimenez/TJD, GMA News Tags: pinoytrivia,
More Videos
Most Popular