Anti-cybercrime bill, dapat nga bang katakutan?
Ipinasa na kamakailan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2796 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012. Pero may basehan nga ba ang pangamba ng ilan na magagamit ito para manghimasok sa privacy at maging daan sa censorship sa paggamit ng Internet? Sa News To Go ng GMA News TV nitong Martes, inalam ng anchor na si Ivan Mayrina sa mismong may-akda ng panukalang batas na si Sen Edgardo Angara, kung para saan ba talaga ang SB 2796 at kung talagang magiging banta ito sa kalayaan at karapatang pantao ng publiko na gumagamit ng Internet. Narito ang kanilang talakayan: Ivan: Kaugnay sa pagkakapasa ng Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Senado, makakapanayam natin ang sponsor ng panukalang batas na si Sen Edgardo Angara. Senator good morning po si Ivan Mayrina po ito. Sen Angara: Hello Ivan. Ivan: Senator ano ho ang ibig sabihin ng Cybercrime Prevention Act of 2012 para sa ating lahat na gumagamit ng cell phone, may account sa social media, gumagamit ng internet? Sen Angara: Ang ibig sabihin ng cyber crime yung… itong internet ‘di ba ang dami nating kagamitan ngayon at komunikasyon na nagdadaan sa Internet, ito ang cyber. Ngayon ‘yang binanggit mo na texting, Internet, computer, ‘yan ay example lamang ng mga device na gumagamit ng Internet. Ivan: And to all of us who use the Internet, what’s in it for us ‘pag nakaroon po ng ganitong Cybercrime Prevention Act? Angara: Kasi sa ngayon wala tayong cybercrime law. Kaya naman ang Pilipinas isa sa top ten na bansa at siguro tayo ang number three sa Asya na nabi-victimized ng mga cybercrime; yung identity thief, yung cyber sex, yung child prostitution thru computer, yung unsolicited commercial advertisement, yun bang mga ganun. Hindi mo naman sinusolicit, ang nabibiktima yung mga inosenteng mga Pilipino. Ivan: Linawin lang po natin senator, this law limited po sa mga Internet related crimes tama po ba? Sen Angara: Oo tama yun. Ivan: Hindi ho sakop nito yung sa texting?… sa text scam halimbawa. Sen Angara: Sa amin, dahil gumagamit ka ng computer dun di ba, computerized yun eh. Saka ang ginagamit mo ang Internet, ang tinatawag na clout. Ivan: May concerns raised na this might invade into someone’s privacy o magkakaroon ng censorship sa internet because of this law, may basis po ba ‘yon? Sen Angara: Walang basis ‘yon. Sapagkat itong cyber crime na ito ay based sa tinatawag na Budapest Convention. Hindi tayo signatory do’n pero ‘yan ay international convention na napagkasunduan ng halos lahat ng sibilisadong bansa kung ano ang dapat parusahan sa pag-abuso ng computer o computer devices na ginagamit ang cyberspace. Ivan: So definitely walang mangyayaring censorship dito, walang mangyayaring invasion. Sen Angara: Wala, no. Basahin: Senate OKs anti-cybercrime bill -- FRJ, GMA News