ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Megaworld exec: 'Di kami binigyan ng pabor ni Corona


Iginiit ng Megaworld Corporation noong Martes sa impeachment trial sa Senado na wala itong natanggap na pabor mula kay Chief Justice Renato Corona at sa kanyang pamilya, sa kabila ng malaking discount na ibinigay ng kumpanya sa binili na condominium unit ng punong mahistrado sa Taguig City. Sa katunayan, ayon kay Megaworld senior vice president for marketing and sales Noli Hernandez, dalawang beses na umanong bumoto si Corona sa mga kaso laban sa kanilang kumpanya, na nagresulta sa pagkawala ng ilang milyong piso bilang kabayaran sa pagkatalo sa kaso. "We won one (case) but that was before he (Corona) purchased from us and that was only P5 million. After he purchased from us in 2006, we lost a case right after 2007 and then he bought again from us 2008 and then we lost again a case in the Supreme Court in 2009, this is a triple whammy for us," ani Hernandez. Ayon sa pahayag ng Megaworld: "The cases speak for themselves. For the record, we wish to state that in all our business dealings with Chief Justice Corona, the Company has neither solicited nor obtained any favor either from the Chief Justice or from the Court." Inakusahan ng house prosecutor si Corona, appointee ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na umano'y nagkamal ng kayamanan habang nasa Supreme Court. Samantala, tinawag ni defense spokesman Mon Esguerra na "incredulous" ang umanoy mga pasaring ng prosecution na maaari umanong ibinigay kay Corona ang discount dahil pinaburan umano ng Korte ang Megaworld sa ruling nito noong sa Marso 31, 2004. "That Megaworld would extend to the Chief Justice the alleged discount in exchange for a favorable ruling five years earlier is incredulous," aniya. Discounts Ibinenta ng Megaworld ang Bellagio penthouse at McKinley Hill property sa asawa ni Corona na si Christina, at sa anak na si Charina. Aniya, binigyan umano si Mrs. Corona ng P10-milyong discount habang si Charina naman P2.3-milyon. Samantala, inihayag ng isang Malacañang official na maaaring paglabag ng New Code of Judicial Conduct ang pagtanggap ni Corona ng discount. "Nakalagay [sa Code] na hindi po pwedeng tumanggap ng kahit anong regalo, donasyon, utang, discount, gratuity," ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte nitong Martes. Tinutukoy ni Valte ang Section 13 ng Canon 4 (Propriety) kung saan nakasaad: "Judges and members of their families shall neither ask for, nor accept, any gift, bequest, loan or favor in relation to anything done or to be done or omitted to be done by him or her in connection with the performance of judicial duties." Sa kabila nito, naniniwala pa rin ang mga defense lawyer na pabor umano sa kanila ang naging pahayag ni Hernandez. "Kami po ay natutuwa dahil maliwanag na ang tetsigo nila ay nagpatunay sa kung ano ang dapat malaman ng mamamayan," ani Atty. Tranquil Salvador III sa isang interview matapos ang pagdinig sa araw na iyon. "Maganda po at walang damage [kay Corona] at na-correct ang impression na nakuha kahapon," dagdag pa niya patungkol sa naging testimonya ni prosecution witness at Megaworld finance director Giovanni Ng noong Lunes. Si Ng ang naghayag sa korte sa pagbibigay nila ng 40-percent discount kay Corona sa biniling penthouse sa Taguig City. Corona, dalawang beses bumoto laban sa Megaworld Ayon naman kay Hernandez ng Megaworld, bumoto pabor sa kanila si Corona sa kaso nila sa SC (Megaworld Properties and Holdings, Inc. vs Hon. Judge Benedicto G. Cobarde, G.R. No. 156200)  noong 2004, apat na taon bago binili ni Corona -- SC associate justice ng mga panahong iyon -- ang Bellagio unit. Aniya, bumoto ang SC Third Division, kinabibilangan ni Corona, pabor sa kanilang kumpanya noong Marso 31, 2004. Sa naging desisyon ng SC, nakatanggap ang Megaworld ng P5,853,793.01 at pati na rin interest mula sa respondent. Sa kanilang ikalawang kaso (Megaworld Globus Asia, Inc. vs. Celerica Holdings, Inc., G. R. No. 175391), bumoto ang SC First Division, kung saan nakabilang si Corona, noong Enero 17, 2007 laban sa kanila. Sa naging desisyon, kinakailangang magbayad ng Megaworld ng P26 milyon sa kanilang respondent. Dagdag pa niya, sumang-ayon umano si Corona sa naging desisyon ng SC Second Division laban sa kanila sa kasong Megaworld Globus Asia, Inc. vs Tanseco, G.R. No. 181206  noong Oktubre 9, 2009, sa kabila ng hindi pa pagtapos ni Corona at ng asawa nito sa amortization sa Bellagio unit. Sa panahong iyon, pinagbayad ang Megaworld ng kabuuang P21,725,438.02 kay Mila Tanseco, kanilang respondent. Inihayag naman ni Sen. Panfilo Lacson na sa isang kaso lamang natalo ang Megaworld dahil inapela nito ang desisyon. "Dun sa usaping P25.1 million sa ponensya ni Justice Corona, ni-reverse nila ‘yung compromise agreement ng mga partido hindi po ba? Nanalo kayo doon pero gusto pa ninyo habulin yung additional P5 million, natalo naman kayo doon hindi na si Chief Justice Corona ang ponente doon?" ayon pa sa Senador. Kinumpirma naman ni Hernandez na hindi umano piponente ni Corona ang desisyon na nabanggit ni Lacson, ngunit piponente ng punong mahistrado ang 2004 case kung saan sila nagwagi. Samantala, inihayag ni Hernandez na wala siyang alam kung may mga kaso pang nakabinbin ang Megaworld. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News