ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagbubukas ng 2012 Panagbenga Festival sa Baguio, naging makulay


Isang tradisyunal na dasal ng Cordillera o tinatawag na “Uggayam" ang naging hudyat ng pagsisimula ng unang araw ng pagdiriwang ng Panagbenga o Baguio Flower Festival. Nakapaloob sa Uggayam ang paghingi ng basbas kay Kabunian na maging matagumpay ang selebrasyon ng flower festival ngayong taon. Matapos nito, agad sinimulan ang street parade sa pangunguna ng Philippine Military Academy (PMA) marching band. Halos mapuno ang Session Road sa dami ng taong matiyagang naghihintay sa parada. Ang mga bata, nakangiti pa rin kahit nakasalampak lang sa gilid ng kalsada. Pinaka-inabangan sa street parade ng mga mag-aaral na kalahok sa street dancing at drum and lyre competition. Kaya nang dumating na ang mga ito, namangha ang lahat sa makukulay at naggagandahang kasuotan ng mga kalahok. Gaya na lang ng mga batang nagmistulang mga diwata ng bulaklak. Ang ilang chikiting naman, pinahanga ang mga manonood sa suot nilang tradisyunal na Cordilleran attire. Taun-taong inaabangan ang pagdiriwang ng Pangbenga sa lungsod ng Baguio. Ang “panagbenga" ay salitang Ilokano na ang ibig sabihin ay “to blossom" o pamumulaklak. Ang ng mga nag-aabang na manonood ay enjoy na enjoy dahil sa makulay na parade na likha ng iba’t-ibang kasuotan ng mga kalahok. Pagdating naman sa field presentation, halos mapuno ng mga tao ang Athletic Bowl kung saan dito ipinakita ng mga bata ang kanilang galing sa pagsasayaw. Maging ang mga kalahok sa drum and lyre, hindi nagpahuli. Ayon sa Executive Committee ng Baguio Flower Festival, maituturing na matagumpay ang street dancing competition, dahil naipakita ng mga kalahok ang mayaman na kultura ng Cordillera. Samantala, dahil sa pagdagsa ng mga turista para saksihan ang Panagbenga festival ay pahirapan na ang pagpapareserba sa mga hotel sa Baguio. Karamihan din umano sa mga hotel ay fully-booked na, lalo na sa mga hotel na malapit o matatanaw ang Street Dancing Parade at Grand Float Parade. “Last year pa, fully booked na po kami. We’re already full na po talaga today," ayon kay Veron Agcarao, isang hotel front desk clerk. Posibleng maging pahirapan na rin ang pagpapa-book, lalo na sa mga ngayon lang naisipang magpa-reserve. “Naka-waitlist lang po sila o kaya kung may magka-cancel doon sila," dagdag pa ni Agcarao. Ayon kay Anthony De Leon, Presidente ng Hotels and Restaurants Association in Baguio o H-RAB, wala pang gaanong tao ang aakyat sa siyudad sa mga una at ikalawang linggo ng pagdiriwang ng Panagbenga, pero tiyak na magdadagsaan umano ang mga bisita para sa Grand Street and Float Parade. “Pagdating ng Grand Float Parade, mas marami. Most of the hotels are fully booked," dagdag pa ni De Leon. – CCVictorio/GLCalicdan/FRJ, GMA News