Mining moratorium sa Eastern Samar, hiling ng isang obispo
Nanawagan ang isang Katolikong obispo sa administrasyong Benigno Aquino III na itigil muna ang pag mimina sa Eastern Samar upang maprotektahan ang natitirang kagubatan sa kanilang probinsya. Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, karamihan sa mga malalaki at maliit na minahan sa kanilang lugar ay walang tiyak na programa sa proteksyon at rehabilitasyon ng kalikasan. “We in the Diocese of Borongan and other anti-mining organizations are calling for a mining moratorium to fix all these concerns first,” ani Varquez sa kanyang artikulo sa news site ng Catholoc Bishop's Conference of the Philippines. Dagdag pa niya, gulo lamang umano ang idinudulot ng pagmimina sa mga residente sa kanilang lugar. “It’s very painful that communities are divided considering mining's temporary economic benefits and the irreparable damage it would create,” pahayag ni Varquez. Ayon kay Varquez, marami ang mga malalaking mining operation sa isla ng Homonhon at Manicani, kapwa sa bayan ng Guian. Nagresulta umano ito ng "broad-scale" na habitat destruction. Sa pangingisda at pagsasaka nakukuha ng mga tao sa isla ang kanilang pagkain, ayon kay Varquez. Ngunit dahil sa pagkasira ng kalikasan dulot ng mining operations, apektado na ang mga tao dulot ng ng siltation at soil erosion na nakasisira sa marine resources. Makasaysayan ang Homonhon Island sapagkat dito unang dumaong sina Ferdinand Magellan at isinagawa ang unang Misa sa Limasawa Island sa Southern Leyte noong 1521. Ayon kay Varquez, sa kasamaang palad, naging "denuded" na umano ang mga kabundukan doon. Naghihirap na umano ang mga tao. Noong 2003, ipinanukala ng provincial government ng Eastern Samar, sa ilalim ni Gov. Clotilde Japzon-Salazar, ang indefinite moratorium sa mga malalaking mining at logging operation sa kanilang probinsya. Ngunit noong 2007, inaprubahan ni dating governor ang ngayon ay Rep. Ben Evardone ang ordinansang nagpapahintulot sa paggamit ng ilang bahagi ng lupain ng probinsya sa pagmimina ng maliliit na minero. Sa ngayon, mayroong mga maliliit na mining operations sa bayan ng Salcedo, Llorente, Gen. McArthur, Quinapondan, Hernani at Llorente, kung saan kumuha ang mga kumpanyang ito ng chromite. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News