ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Light penalty' kay Llamas, ipinagtanggol ng Palasyo


Ipinagtanggol ng Malacañang nitong Linggo ang "light penalty" na ibinigay kay presidential political adviser Ronald Llamas sa pagbili umano ng opisyal ng mga pirated DVD sa isang mall sa Quezon City noong nakaraang buwan. Binalewala rin ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte ang mga ispekulasyong binabaan umano ng Palasyo ang inisyal na rekomendasyong suspension laban kay Llamas. “Walang katotohanan ang sinasabing recommendation for suspension, at ang umanoy pagbaba nito sa admonition,”  pahayag ni Valte sa dzRB radio. Nitong Sabado, inihayag ng Malacañang na "na-admonish" na si Llamas matapos siya mahuli ng isang newspaper editor na namimili ng pirated DVDs sa sa gitna ng kampaya ng gobyerno laban sa piracy. Ayon kay Valte, pinagsabihan na si Llamas na kumilos ng kung ano ang nararapat sa lahat ng oras bilang mataas na opisyal upang maiwasang mawala ang tiwala ng mamamayan sa  administrasyon. “Ni-review ng OES (Office of Executive Secretary) ang pangyayari, nagkaroon ng investigation sa insidenteng kinasangkutan ni Sec. Llamas. In light of the fact na inappropriate ang behavior pero walang offense na na-commit, at dahil sa pag-apologize ni Sec. Llamas, ang naging determination ‘yan ang proper sanction,” aniya. Malapit umano si Llamas kay Aquino dahil sa kanilang interes sa mga baril. Hindi ito ang unang pagkakataong nasangkot sa kontrobersya si Llamas. Noong nakaraang taon, mayroong isang high-powered assault rifle na natagpuan sa SUV ni Llamas matapos ang isang road accident sa Quezon City. Wala sa bansa si Llamas sa panahong iyon.  — Amanda Fernandez /LBG, GMA News