KSA, PHL bumalangkas ng standard service contract para sa domestic helpers
Nagkasundo ang Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia sa isang standard service contract para sa mga Pilipinong household workers sa Saudi, ayon sa ulat ng Arab News. Sa ulat, naganap ang kasunduan matapos ang isang pulong sa pagitan ng mga opisyal ng KSA Embassy sa Maynila at ng mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong nakaraang buwan. “During the meeting... the two parties agreed on a standard employment contract that indicates who's in charge of repatriation, excludes provisions unacceptable to the Kingdom and provides weekly rest for such workers, including housemaids,” ani Ambassador Ezzedin Tago sa Arab News. Nabanggit din ni Tago na noong Hunyo 2011 pa pumirma ang Saudi Arabia sa International Labor Organization (ILO) convention para sa kapakanan ng domestic workers. Dagdag pa ni Tago, alinsunod ang kasunduan sa batas ng Kingdom bagama’t hindi nakasaad sa batas ang sweldong tatanggapin ng domestic helper. Sa kabila nito, malinaw naman sa kasunduan na tatanggap ang domestic helper ng sweldong $400 kada buwan. “This is in accordance with a regulation of the Philippine Overseas Employment Administration in December 2006,” ani Tago. Dagdag pa niya, magkakaroon ng isang araw na pahinga ang mga domestic worker kada linggo at walong oras na pahinga kada araw. Nakatakda namang isumite ang kontrata para sa approval ng Saudi Ministry of Foreign Affairs (MFA) at DOLE. “The Ministry of Foreign Affairs may also refer the contract to the Ministry of Labor and related government agencies in the Kingdom,” ani Tago. Ilan pa sa mga nakasaad sa kontrata ay ang karapatan ng mga Filipino domestic worker na itago ang sarili nilang pasaporte, at mabigyan rin ng libreng ticket pauwing Pilipinas kada taon, ayon sa ulat. Kinakailangan ding magbukas ang employer ng bank account para sa domestic helper kung saan nila ilalagay ang sweldo sa huling araw ng buwan. Responsibilidad din ng employer na mabigyan ng tirahan, pagkain at allowance ang domestic helper. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News