ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Magkakamag-anak sa San Carlos City, 'pinabagsak' ng ‘binurong’ isda


Labing-apat na magkakamag-anak ang isinugod sa pribadong ospital sa San Carlos City, Pangasinan matapos sumama ang kanilang pakiramdam nang kumain ng “burong" isda. Sa nakalap na impormasyon, ang mga biktima ay makaramdam umano ng panghihina ng katawan, pagsusuka at pagtatae. Ayon kay Dr. Saturnino Posadas, attending physician ng mga biktima, ang pagsusuka at pagtatae ay mga sintomas ng food poisoning. “Iyong vomiting, diarrhea is a protective mechanism or defense mechanism of the body all I have to do is to replace it with dextrose with ecolytes to hydrate them," paliwanag ni Dr. Posadas ng Virgen Milagrosa Medical Center. Pinakabata sa mga naospital ang apat na taong gulang na si Ronnie Guiling. Kasama rin ang apat na buwang buntis na si Jacqueline Villa. Ayon kay Mang Rodel, ama ni Ronnie, nagsimulang sumama ang kanilang pakiramdam nang kainin nila ang “buro" sa kanilang almusal. Naniniwala si Dr. Posadas na posibleng hindi maayos o marumi ang pagkakagawa o sira na ang isdang ginamit sa buro. Sadya raw may masamang dulot sa kalusugan ang pagkain ng buro dahil likas itong maalat na maaaring magdulot ng pagtaas ng presyon ng dugo. Ligtas na sa anumang panganib ang mga pasyente at anumang oras pwede na raw silang lumabas sa ospital. Pero dahil sa nangyari, hindi na raw uulit na tumikim ng buro ang mga biktima.– CUTorida/SFinuliar/GLCalicdan/FRJ, GMA News