Brgy captain, inambush sa spa sa Bulacan, nakaligtas; 2 bodyguard, nasawi
Nakaligtas sa ambush ang isang kapitan ng barangay sa San Miguel, Bulacan na kapangalan ng dating sikat na professional basketball player. Gayunman, hindi naman pinalad ang dalawa niyang bodyguard na nasawi sa pananambang na naganap sa isang spa nitong Lunes. Ayon kay P/Supt. Fernando Mendez, Bulacan police director, nagtamo ng sugat sa kanang braso si John “Bong" Alvarez, isang negosyante at kapitan ng Brgy. Sta. Ines sa San Miguel, Bulacan. Samantala, patay naman dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan at ulo ang dalawang bodyguard ni Alvarez na sina Ruel Vidal, 52, ng Brgy. Tibagan, at Josefino Alvarez, ng Brgy. Sta.Ines. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, na pumasok sa isang spa center sa Brgy. San Juan San, si Alvarez dakong 5:30 p.m. nitong Lunes nang dumating ang tatlong armadong suspek na sakay ng isang motorsiklong at biglang nagpaputok ng baril. Hindi nagtagal ay dumating ang isa pang suspek na nakasakay sa hiwalay na motorsiklo na armado ng M-16 rifle, at nagpaputok din sa kinaroroonan ni Alvarez. Tinamaan kaagad sa unang bugso ng mga putok si Vidal, habang nagawa pa ni Josefino na nakaganti ng putok bago nasawi. Umalis umano ang suspek nang hindi nila napasok ang loob ng establisimyento kung saan nandoon ang sugatang si Alvarez. Ayon kay Alvarez, wala siyang kilalang kaaway na maaaring magtangka sa kanyang buhay. Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulis sa nangyaring pamamaril. Pulitika ang isa sa mga tinitingnang anggulo dahil nagdeklara umano si Alvarez ng intensyong tumakbong alkalde ng nabanggit na bayan sa 2013 elections. Nakakuha ang mga imbestigador ang granadang iniwan ng mga suspek na hindi sumabog at mga basyo ng bala mula sa M-16 at kalibre .45 baril. – RRamos/FRJ, GMA News