ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panukalang batas na ideklarang national flower ang Waling-waling, lusot sa ikalawang pagbasa


Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na magdedeklara sa Waling-waling bilang pambansang bulaklak kasama ng Sampaguita. Iginiit ni Davao City Rep. Mylene Garcia-Albano, may akda ng panukalang batas, na dapat ideklara ring pambansang bulaklak ang Waling-waling dahil dito lamang sa Pilipinas ito makikita – hindi katulad ng Sampaguita. Paliwanag ng kongresista, ang Sampaguita ay native plant mula sa India at Arabia na dinala sa Pilipinas. Idineklara itong national flower ng Pilipinas sa pamamagitan ng Proclamation No. 652 noong February 1934. “Waling-waling, the country's best orchid variety, scientifically known as Vanda Sanderiana, thrives in the tropical forest of Mount Apo in Davao and Zamboanga Del Sur," paliwanag ni Garcia-Albano, vice chairperson ng House committees on national cultural communities and reforestation. "The Waling-waling plant grows on tall diptherocarps but is never known to be a parasite. It lives on treetops reaching for the light of the sun, making it truly symbolic of the Filipino traits and characteristics,"  dagdag ng mambabatas. Bagaman sa Pilipinas makikita, sinabi ng kongresista na popular ang Waling-waling – tinatawag na Queen of Philippine Flowers – sa mga bansang Singapore, Thailand, Hong Kong at Hawaii. Sa nakaraang pagdinig sa panukalang batas, inihayag ng mga opisyal ng National Museum na: "the selection of Sampaguita as a national flower was not based on endemism but its historical significance, plus its popularity, ornamental value, fragrance and the roles it plays in the legends and traditions of the Filipino people." Muling isasalang ang panukalang batas sa plenaryo ng kapulungan para pagbotohan sa ikatlo at huling pagbasa. -- RP/FRJ/KG, GMA News