Bahong, La Trinidad: Tinaguriang 'Rose Capital of the Philippines,’ abalang-abala para sa V-Day
Isang linggo bago ang "Araw ng mga Puso," abalang-abala na ang mga flower grower sa itinuturing na "Rose Capital of the Philippines," — ang Bahong, La Trinidad sa Benguet. Ang mga bagong pitas na pulang rosas ay ibinubungkos para ilagay sa mga cold storage. Mula sa lalawigang ito ay ibibiyahe ang mga rosas sa Metro Manila, na sakto para sa nalalapit na Valentines Day. Sinabi ng mga flower grower na maraming tanim na rosas sa kanilang lugar ngayong panahon. Namumukadkad na rin ang mga Malaysian Mums at iba pang klaseng bulaklak. Pero dahil sa nalalapit na araw ng mga puso, pulang rosas ang in-demand sa merkado. Halos P12 lang ang isang piraso ng rosas ngayon kung bibilhin mismo sa Bahong, La Trinidad. “Sa tingin ko, stable naman ang presyo, ‘di masyadong mababa at mataas, sa gitna lang, 250 to 300 plus," pahayag ng isa pang flower grower na si Alvin Milan. Pero pagdating sa Maynila, ang presyong P300 bawat bundle na may dalawampu’t apat na piraso ng rosas, maaarin umanong dumoble ang halaga. Ngunit iba raw ang nagagawa ng tinatawag na araw ng mga puso dahil walang mahal na rosas sa pusong nagmamahal. – ASTulagan/ GLCalicdan/FRJ, GMA News