Power rate sa Pilipinas, isa sa pinakamataas sa buong mundo
Sa kabila ng reporma sa power industry sector, patuloy pa rin ang pag-akyat ng presyo ng elektrisidad sa bansa. Sa katunayan, isa pa rin ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas ang singil sa kuryente sa buong mundo. Batay sa ulat ni Howie Severino sa State of the Nation (SONA) ni Jessica Soho ng GMA News, naisabatas ang Electric Power Industry Reform (EPIRA) Act of 2001 (R.A. 9136) sa paglalayong pababain ang presyo ng kuryente sa bansa. Pero tila bigo ito. Ayon sa ulat, lubos na apektado ang business sector sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente. Ayon sa isang supplier ng pantalon, malaki ang kanilang kita noong nakaraang taon, pero mas malaki pa sana ito kung mababa ang singil sa kuryente. Sa panyaman kay Jake Valle, operations managers ng Coats Manila Bay, sinabi niyang: "In a manufacturing business, you have machineries, you need lighting – these consumes a lot of electricity. For you to be competitive in this business, electricity rate must be as low as possible." Batay naman sa mga datos, ikalawanag pinakamahal maningil ng kuryente ang Pilipinas sa buong Asya. Residential rates Ayon sa ulat, hindi lamang mga negosyante ang umaangal sa mataas na presyo ng kuryente. Base sa mga datos, hanggang noong 2008, mas mura ang residential rates ng mga mas mayayamang bansa tulad ng Japan at France kumpara sa Pilipinas, ayon sa ulat. Dating monopolyo ng gobyerno ang industriya ng kuryente, ayon kay Severino. Sa pagbukas nito sa partisipasyon ng pribadong sektor, hinati ito sa iba't ibang bahagi – generation o producksyon ng kuryente, transmission o pagpapadala nito sa mga planta hanggang substations, at pagbebenta at pagbibili ng supply ng kuryente at distribution nito sa mga kabahayan. Ayon sa ulat, sa bawat P10 na ibinabayad sa kuryente, P6 ang napupunta sa generation. Piso naman ang napupunta sa transmission at P2 naman para sa distribution services kabilang na ang gastos sa pagsu-supply at pagmemetro. Ang natitira, napupunta sa buwis na ibinabayad sa gobyerno. EPIRA Act "To ensure the quality, reliability, security, and affordability of the supply of electric power" – ito ang nakasaad at ipinapangako ng Sec.2 ng EPIRA Act. Ngunit, giit ng ilan, hindi epektibo ang batas na ito dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo. Ayon sa ulat, bago naisabatas ang EPIRA noong 2001, nasa P5 lamang kada Kilowatt hour (kWh) ang singil ng Meralco, ang pinakamalaking power distributor sa bansa. Ngunit nitong Nobyembre 2011, umabot na sa P11 ang bawat kWh, salungat sa layon ng EPIRA na ibaba ang presyo ng kuryente. Ang gobyerno umano ang dapat sisihin sa problemang ito, ayon kay Engr. Rowaldo Del Mundo ng National Engineering Center ng University of the Philippines. Aniya, "Sa usaping just and resonable rates, medyo may pagkukulang dito ang ating gobyerno dahil hindi natin nakita kung ano nga ba ang target rates na tinutukoy." Ayon naman kay Exec. Sec. Francis Saturnino Juan ng Energy Regulatory Commission: "Ang pagpoprotekta natin sa interes ng mga consumer ay hindi lang sa pagsisiguro na ang singil sa kuryente ay hindi mababago o hindi tataas dahil kung 'yan ang aming prinsipyo upang maprotektahan ang mga consumer, huwag nalang natin itaas ang singil sa kuryente." — Amanda Fernandez /LBG, GMA News