ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagtigil ng Prudentialife sa pagbabayad ng claims, ikinadismaya ng planholders


Matapos magpadala ang Insurance Commission ang Notice of Stay Order, nagpasya ang Prudentialife Plans, Inc. noong Martes na itigil muna nito ang pagbabayad ng claims sa planholders nito. Ikinadismaya naman ng planholders ang pasya ng Prudentialife  sa pangamba na baka hindi na nila mabawi ang kanilang pera. Nagpunta ang mga planholder sa tanggapan ng Prudentialife Plans, Inc. sa Makati noong Huwebes upang ihayag ang kanilang sama ng loob, ayon sa ulat ni Bernadette Reyes sa "Saksi" ng GMA News,. Ayon sa planholder na si Dionisio Escueta, namuhunan umano siya ng P100,000 para sa educational plan ng kanyang anak. Aniya, "Kayamanan ko ito. Kayamanan ko, kayamanan ng anak ko. Naawa ako sa anak ko at the same time, para sa akin." Mayroon na lamang umanong P8.3 billion na pondo ang kumpanya na nasa pangangalaga ng bangko, ayon sa ulat. Sinabi naman ni Atty. Rosario Bernaldo, conservator ng Prudentialife Plans, kung itutuloy ang pagbabayad sa mga claimant, ang mababayaran lamang ay ang educational plans na magma-mature sa taong 2014 at ang pension plans na magma-mature naman ng 2016. Aniya,  "Kapag hindi mag-stay order, tuluy-tuloy ang pagbayad, mauubos din kahit na ang total balance niya [na] nasa P8.3 biliion pa." Dagdag niya, "Kung mag-stay order, ang mangyayari, intact muna 'yung pera... tapos tuluy-tuloy pa rin naman siya kung saan [ang pera] naka-invest." Ayon sa Prudentialife, kapag paghahatian ng 300,000 planholders ang nalalabing pondo sa ngayon, P19,000 lamang ang matatanggap ng bawat isa. Kapag mangyari ito, malulugi ang ilang planholders tulad ni Cathy Sanchez na mahigit P500,000 na ang naibayad. Giit ni Sanchez, "Parang nagtapon lang kami ng pera na parang pinapa-asa lang kami." Global financial crisis Ayon sa ulat, sinisisi ng Prudentialife Plans ang pagpapatigil ng Securities and Exchange Commission sa kanilang pagbenta ng mga plan noong 2009, matapos malaman ng SEC na mas malaki ang dapat bayaran sa mga planholder kaysa sa natitirang pondo ng kumpanya. "Nagkaroon ng world wide financial crisis, bumaba 'yung kinita ng mga investments na 'yan. Kung tuloy lang [sana] ang pagbenta ng mga plan, kikita pa rin ang Prudentialife dahil may income siya, eh wala," pahayag ni Bernaldo. Samantala, balak naman ng Manila Bankers Life Insurance na saluhin ang mga planholder, sa kondisyong gawin nilang life insurance ang kanilang pension at educational plan, ayon sa ulat. Para sa usaping ito, magkakaroon ng public consultation sa opisina ng Insurance Commission sa darating na Marso, ayon sa ulat. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News

Tags: prudentialife,